1 Sinabi pa ng Panginoon, “Kapag pinaghati-hati nʼyo na ang lupain para sa bawat lahi ng Israel, bigyan ninyo ako ng parte na 12 kilometro ang haba at sampung kilometro ang luwang. Ang lupaing ito ay ituturing na banal.
2 Ang bahagi nito na 875 talampakan na parisukat ang siyang pagtatayuan ng templo, at sa paligid ng templo ay may bakanteng bahagi na 87 talampakan ang luwang.
3-4 Ang kalahati ng parte kong lupain na 12 kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang ay ibubukod ko para sa mga paring naglilingkod sa akin sa templo. Pagtatayuan ito ng mga bahay nila at ng templo na siyang pinakabanal na lugar.
5 Ang natirang kalahati na 12 kilometro ang haba at 5 kilometro ang luwang ay para sa mga Levita. Sila ang magmamay-ari nito at dito sila maninirahan.
6 “Sa katabi ng lupa na para sa akin, magbukod din kayo ng lupang 12 kilometro ang haba at 3 kilometro ang luwang. Ito ang gawin ninyong lungsod, na maaaring tirahan ng sinumang Israelita na gustong tumira roon.
7 Bibigyan din ng dalawang bahagi ng lupain ang pinuno ng Israel. Ang isang bahagi ay nasa gawing kanluran ng hangganan ng lupaing para sa akin at ng lupaing gagawing lungsod papunta sa Dagat ng Mediteraneo, at ang isa ay mula sa hangganan sa silangan papunta sa Ilog ng Jordan. Ang hangganan nito sa silangan at sa kanluran ay pantay sa hangganan ng lupaing ibinahagi sa mga lahi ng Israel.
8 Ang lupaing ito ang magiging parte ng pinuno ng Israel.“Ang aking mga pinuno ay hindi na mang-aapi sa aking mga mamamayan. Hahayaan nila na ang mga mamamayan ng Israel ang magmay-ari ng lupang ibinibigay sa kanila ayon sa angkan nila.
9 Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kayong mga pinuno ng Israel, tama na ang ginagawa ninyo. Tigilan nʼyo na ang pagmamalupit at pang-aapi, at gawin ninyo kung ano ang matuwid at tama. Tigilan nʼyo na rin ang pangangamkam ng lupain ng aking mga mamamayan.
10 Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan.
11 Ang ‘homer’ ang batayan ng panukat sa pagbilang. Ang isang ‘homer’ ay sampung ‘epa’ o sampung ‘bat’.
12 Ang ‘shekel’ ang siyang batayan ng pagsukat ng bigat. Ang isang ‘shekel’ ay 20 ‘gera’, at ang 60 ‘shekel’ ay isang ‘mina’.
13 “Ito ang mga kaloob na dapat ninyong ibigay sa pinuno ng Israel: isa sa bawat 60 ng inani ninyong trigo at sebada,
14 isa sa bawat 100 na bat ng langis ng olibo (ang takalan na gagamitin nito ay ang ‘bat’; ang sampung ‘bat’ ay isang ‘homer’ o isang ‘cor’),
15 at isang tupa sa bawat 200 ninyong hayop. Ang mga kaloob na itoʼy gagamiting handog para sa pagpaparangal sa akin, handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon, upang mapatawad ang mga kasalanan ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
16 Ang lahat ng Israelita ang magdadala ng mga kaloob na ito para magamit ng pinuno ng Israel.
17 Tungkulin naman ng pinuno ng Israel ang pagbibigay ng mga handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa akin, handog na inumin, handog sa paglilinis, at handog para sa mabuting relasyon sa panahon ng pista katulad ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan, mga Araw ng Pamamahinga, at iba pang mga pista na ipinagdiriwang ng mga Israelita. Iaalay ang mga handog na ito upang mapatawad ang mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel.”
18 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Sa unang araw ng unang buwan, maghahandog kayo ng toro na walang kapintasan para sa paglilinis ng templo.
19 Ang pari ang dapat kumuha ng dugo nito at ipapahid niya sa hamba ng pintuan ng templo, sa apat na sulok ng altar, at sa mga hamba ng pintuan sa bakuran sa loob.
20 Ganito rin ang gawin ninyo sa ikapitong araw ng buwan ding iyon, para sa sinumang magkasala ng hindi sinasadya o nagkasala nang hindi nalalaman. Sa ganitong paraan malilinis ninyo ang templo.
21 “Sa ika-14 na araw ng unang buwan, ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel. Ipagdiriwang ninyo ito sa loob ng pitong araw, at tinapay na walang pampaalsa lang ang kakainin ninyo.
22 Sa unang araw ng pagdiriwang ninyo, ang pinuno ay mag-aalay ng batang toro bilang handog sa paglilinis para sa kanyang sarili at sa lahat ng Israelita.
23 Bawat araw sa loob ng pitong araw ng pagdiriwang ninyo, ang pinuno ay maghahandog ng pitong batang toro at pitong lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog na sinusunog para sa akin. At maghahandog din siya ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis.
24 Sa bawat batang toro at lalaking tupa, kinakailangang may kasamang handog ng pagpaparangal sa akin, kalahating sakong harina at isang galong langis ng olibo.
25 Ganito rin ang ihahandog ng pinuno sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol na magsisimula sa ika-15 araw ng ika-7 buwan. At sa loob ng pitong araw, ang pinuno ay maghahandog ng katulad ng inihandog niya sa Pista ng Paglampas ng Anghel: mga handog sa paglilinis, handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa akin at langis.”