1 Napuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at dinala ako ng Espiritu niya sa gitna ng isang lambak maraming kalansay.
2 Inilibot niya ako roon, at nakita ko ang napakaraming tuyong buto na nagkalat sa lambak.
3 Tinanong ako ng Panginoon, “Anak ng tao, mabubuhay pa kaya ang mga butong ito?” Sumagot ako, “Panginoong Dios, kayo lang po ang nakakaalam.”
4 Sinabi niya sa akin, “Sabihin mo sa mga butong ito na makinig sa sasabihin ko.
5 Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ang magsasabi nito sa kanila, ‘Bibigyan ko kayo ng hininga, at mabubuhay kayo.
6 Bibigyan ko kayo ng mga litid at laman, at babalutin ko kayo ng balat. Bibigyan ko nga kayo ng hininga, at mabubuhay kayo. At malalaman ninyong ako ang Panginoon.’ ”
7 Kaya sinunod ko ang iniutos sa akin. At habang nagsasalita ako, narinig ko ang tunog ng mga butong nagkakabit-kabit at nabuo.
8 Nakita ko ring nagkaroon ang mga ito ng mga litid at laman at nabalot ng balat, pero walang hininga.
9 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sabihin mo sa hangin na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Hangin umihip ka mula sa apat na dako, at hipan ang mga patay na ito para mabuhay.”
10 Kaya sinunod ko ang iniutos niya sa akin, at nabuhay nga ang mga patay. Nagsitayo sila – kasindami sila ng isang napakalaking hukbo.
11 Muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, ang mga butong iyon ay ang mga mamamayan ng Israel. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, at wala na kaming pag-asa; nilipol na kami.’
12 Kaya sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Mga mamamayan ko, bubuksan ko ang mga libingan ninyo. Bubuhayin ko kayong muli, at ibabalik sa lupain ng Israel.
13 Kapag binuksan ko ang mga libingan ninyo at binuhay ko kayong muli, malalaman ninyo, mga mamamayan ko, na ako ang Panginoon.
14 Ibibigay ko sa inyo ang aking Espiritu at mabubuhay kayo. Patitirahin ko kayo sa sarili ninyong lupain. At malalaman nga ninyo na ako ang Panginoon na tumutupad ng aking pangako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
15 Sinabi sa akin ng Panginoon,
16 “Anak ng tao, kumuha ka ng patpat at sulatan mo ito ng, ‘Ang kaharian ng Juda.’ Pagkatapos, kumuha ka ng isa pa at sulatan mo ito ng, ‘Ang kaharian ng Israel.’
17 Pagkatapos, pag-isahin mo ang dalawang patpat para isa lang ang hawak mo.
18 Kapag tinanong ka ng mga kababayan mo kung ano ang ibig sabihin nito,
19 sabihin mong, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoong Dios: Pagdudugtungin ko ang patpat na kumakatawan sa Israel at ang patpat na kumakatawan sa Juda. Magiging isa na lang sila sa kamay ko.’
20 “Pagkatapos, hawakan mo ang patpat na sinulatan mo para makita ng mga tao.
21 At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoong Dios: Titipunin ko ang mga Israelita mula sa lahat ng bansang pinangalatan nila, at ibabalik ko sa sarili nilang lupain.
22 Gagawin ko silang isang bansa sa lupain ng Israel, at isang hari na lang ang maghahari sa kanila. Hindi na sila muling mahahati o magiging dalawang bansa o kaharian.
23 Hindi na nila dudungisan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa mga karumal-dumal na dios-diosan at paggawa ng anumang kasalanan, dahil ililigtas ko sila sa lahat ng pagkakasala nila. Lilinisin ko sila para maging mga mamamayan ko sila, at ako ang magiging Dios nila.
24 Paghaharian sila ng haring mula sa angkan ng lingkod kong si David. Isa lang ang magiging pastol nila. Susundin na nilang mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin.
25 Maninirahan sila sa lupaing ibinigay ko sa lingkod kong si Jacob, ang lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno. Sila at ang mga anak nila ay titira roon habang panahon. At maghahari sa kanila ang haring mula sa lahi ni David na lingkod ko magpakailanman.
26 Gagawa ako ng isang kasunduan na magiging maganda ang kalagayan nila, at ang kasunduang ito ay magpapatuloy magpakailanman. Patitirahin ko sila sa lupain nila at pararamihin ko sila. Itatayo ko ang templo ko sa kalagitnaan nila magpakailanman.
27 Maninirahan akong kasama nila. Magiging Dios nila ako, at sila ay magiging mga mamamayan ko.
28 At kung mananatili na ang templo ko sa kalagitnaan nila magpakailanman, malalaman ng mga bansa na ako, ang Panginoon, ang humirang sa mga Israelita para maging mga mamamayan ko.’ ”