1 Pagkatapos, narinig ko ang Dios na nagsasalita nang malakas, “Halikayo sa Jerusalem, kayong mga magpaparusa sa lungsod na ito. Dalhin ninyo ang inyong mga sandata.”
2 Pagkatapos, may anim na taong pumasok sa hilagang pintuan ng templo. Lahat silaʼy may dalang sandata. May kasama silang taong nakadamit ng telang linen at may panulat sa baywang. Tumayo sila sa tabi ng tansong altar.
3 Mula pa noon, ang kapangyarihan ng Dios ng Israel ay nasa itaas ng mga kerubin sa loob ng templo, ngayon ay umalis na roon at lumipat sa pintuan ng templo. Pagkatapos, tinawag ng Panginoon ang taong nakadamit ng telang linen at may panulat sa baywang,
4 at sinabi sa kanya, “Libutin mo ang buong lungsod ng Jerusalem at tatakan mo ang noo ng mga taong nagdadalamhati dahil sa mga kasuklam-suklam na mga ginagawa roon.”
5 At narinig ko ring sinabi ng Dios sa iba, “Sundan ninyo siya sa lungsod at patayin ang mga walang tatak sa noo. Huwag kayong maawa sa kanila.
6 Patayin ninyo ang matatanda, mga binataʼt dalaga, mga ina at mga bata, pero huwag ninyong patayin ang mga may tatak sa noo. Magsimula kayo sa aking templo.” Kaya una nilang pinatay ang mga tagapamahala na nasa harapan ng templo.
7 Pagkatapos, sinabi ng Dios sa kanila, “Dumihan ninyo ang templo sa pamamagitan ng pagtatambak ng mga bangkay sa bakuran at pagkatapos ay umalis na kayo.” Umalis sila at pinagpapatay ang mga tao sa buong lungsod.
8 Habang pumapatay sila ng mga tao, naiwan akong nag-iisa. Nagpatirapa ako at tumawag sa Dios, “O Panginoong Dios, papatayin nʼyo bang lahat ang mga natitirang Israelita dahil sa galit ninyo sa Jerusalem?”
9 Sumagot siya sa akin, “Sukdulan na ang kasalanan ng mga mamamayan ng Israel at Juda. Sukdulan na ang patayan sa lungsod at wala nang katarungan. Sinasabi pa nilang, ‘Hindi na tayo pinapansin ng Panginoon, itinakwil na niya ang Israel.’
10 Kaya hindi ko na sila kahahabagan, sa halip gagawin ko rin sa kanila ang ginawa nila sa iba.”
11 Bumalik sa Panginoon ang taong nakadamit ng telang linen at may panulat sa baywang at sinabi, “Nagawa ko na po ang ipinapagawa ninyo sa akin.”