1 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Awitin mo ang panaghoy na ito para sa mga pinuno ng Israel:
2 “Ang iyong ina ay parang isang leon na inaalagaan ang mga anak niya kasama ng iba pang mga leon.
3 Inalagaan niya ang isa sa mga anak niya, lumaki ito at naging malakas na leon. Natuto itong manghuli at manlapa ng mga tao.
4 Nang mabalitaan ito ng ibang bansa, hinuli nila ito at dinala sa Egipto na nakakadena.
5 “Nang malaman ng ina ng leon na bigo ang pangarap niya para sa kanyang anak, pinalaki niya uli ang isa pang anak at naging malakas na leon din ito.
6 Sumama ito sa iba pang mga leon at natutong manghuli at kumain ng tao.
7 Giniba niya ang mga kampo ng kanyang mga kaaway at winasak ang kanilang mga bayan. Natatakot ang mga mamamayan kapag naririnig ang atungal niya.
8 “Kaya nagkaisa ang mga bansa para labanan at palibutan siya. Inilabas nila ang kanilang mga lambat at hinuli siya,
9 ikinulong na nakakadena sa isang kulungan at dinala sa hari ng Babilonia. Ikinulong nila ito upang hindi na marinig ang pag-atungal nito sa kabundukan ng Israel.
10 “Ang iyong ina ay tulad ng isang ubas na itinanim sa tabi ng tubig. Nagkaroon ito ng maraming sanga at bunga dahil sagana sa tubig.
11 Matitibay ang sanga nito at maaaring gawing setro ng hari. Mas tumaas pa ang ubas na ito kaysa sa ibang halaman. Kitang-kita ito dahil mataas at maraming sanga.
12 Pero dahil sa galit, binunot ito at itinapon sa lupa. Ang mga bunga nitoʼy natuyo dahil sa mainit na hangin mula sa silangan. Natuyo rin ang matatayog na sanga, nalaglag at pagkatapos ay nasunog
13 Ngayon, muli itong itinanim sa ilang, sa lugar na tuyo at walang tubig.
14 Isa sa mga sanga nitoʼy nasunog at kumalat ang apoy sa iba pang mga sanga at tinupok ang mga bunga nito. Kaya wala nang natirang sanga na maaaring gawing setro ng hari. Ang panaghoy na itoʼy dapat awitin ngayon.”