1 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Ang daanan papunta sa bakuran sa loob na nakaharap sa silangan ay kinakailangang nakasara sa loob ng anim na araw ng pagtatrabaho, pero bubuksan ito sa Araw ng Pamamahinga at sa panahon ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan.
2 Ang pinuno ay dadaan sa balkonahe ng daanang nakaharap sa silangan at tatayo siya sa may pintuan habang ang pari ay nag-aalay ng kanyang handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon. Ang pinuno ay sasamba sa akin doon sa may pintuan at pagkatapos ay lalabas siya, ngunit hindi isasara ang pintuan hanggang sa gumabi.
3 Sasamba rin sa akin ang mga mamamayan ng Israel doon sa harap ng pintuan sa bawat Araw ng Pamamahinga at Pista ng Pagsisimula ng Buwan.
4 Sa bawat Araw ng Pamamahinga, maghahandog ang pinuno ng isang barakong tupa at anim na batang tupa na walang kapintasan, at iaalay ito sa akin bilang handog na sinusunog.
5 Ang handog ng pagpaparangal sa akin na kasama ng barakong tupa ay kalahating sako ng harina, pero nasa pinuno na kung gaano karami ang harinang isasama niya sa bawat batang tupa. Sa bawat kalahating sako ng harina na isasama niya sa handog na tupa ay maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo.
6 “Sa bawat Pista ng Pagsisimula ng Buwan, ang pinuno ay maghahandog ng isang batang toro, isang barakong tupa, at anim na batang tupa na pawang walang kapintasan.
7 Ang handog ng pagpaparangal sa akin ay isasama ng pinuno sa batang toro at barakong tupa, depende sa kanya kung gaano karami ang isasama niyang harina sa bawat batang tupa. Sa bawat kalahating sakong harinang kanyang ihahandog, maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo.
8 Kapag ang pinuno ay pumasok upang maghandog, doon siya dadaan sa balkonahe ng daanan at doon din siya dadaan paglabas niya.
9 “Kapag sumamba sa akin ang mga mamamayan sa templo ng Israel sa panahon ng mga pista, ang mga papasok sa pintuan sa hilaga ay lalabas sa pintuan sa timog, at ang mga papasok naman sa pintuan sa timog ay lalabas sa pintuan sa hilaga. Dapat walang lumabas sa pintuang pinasukan niya. Kinakailangang sa ibang pintuan siya lumabas kung pumasok siya sa kabila.
10 Sasabay ang pinuno sa pagpasok at paglabas nila.
11 “Sa panahon ng ibaʼt ibang pista, ang handog ng pagpaparangal sa akin na isasama sa batang toro at sa barakong tupa ay tig-kakalahating sako ng harina, pero depende sa naghahandog kung gaano karami ang isasama niya sa bawat batang tupa. At sa bawat kalahating sako ng harina na isasama niya sa handog na hayop, maghahandog din siya ng isang galong langis ng olibo.
12 Kapag ang pinuno ay mag-aalay ng handog na sinusunog o handog para sa mabuting relasyon na kusang-loob na handog, bubuksan para sa kanya ang pintuan sa gawing silangan. At iaalay niya ang kanyang mga handog tulad ng kanyang paghahandog sa Araw ng Pamamahinga. Paglabas niya, sasarhan agad ang pinto.
13 “Tuwing umaga, kinakailangang may inihahandog sa akin na tupang walang kapintasan bilang handog na sinusunog.
14 Sasamahan ito ng handog ng pagpaparangal sa akin na tatlong kilong harina, at kalahating galong langis ng olibo na pangmasa sa harina. Ang tuntuning ito tungkol sa handog ng pagpaparangal sa akin ay dapat sundin magpakailanman.
15 Kaya tuwing umaga ay kailangang may inihahandog sa akin na tupa, harina, at langis ng olibo na pang-araw-araw na handog na sinunsunog.”
16 Sinabi rin ng Panginoong Dios, “Kapag ang pinuno ay magbibigay ng pamanang lupa sa isa sa mga anak niya, ang lupang iyon ay para lang sa mga angkan niya habang buhay.
17 Ngunit kung ibibigay niya ito sa isa sa kanyang mga alipin, magiging sa alipin na ito hanggang sa dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Sa taong iyon, ang aliping iyon ay papalayain at ang lupa ay isasauli sa pinuno. Tanging ang mga anak lamang ng pinuno ang magmamay-ari ng lupa niya magpakailanman.
18 Ang pinuno ay hindi dapat kumuha ng lupa ng mga tao. Kapag magbibigay siya ng lupa sa mga anak niya, ang lupa niya ang dapat niyang ibigay para hindi mawalan ng lupa ang mga mamamayan.”
19 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa banal na mga silid ng mga pari sa gawing timog. Doon kami dumaan sa pintuang nasa gilid ng daanan. Ipinakita niya sa akin doon ang lugar na nasa kanluran ng mga silid na ito.
20 Sinabi niya sa akin, “Dito sa lugar na ito nagluluto ang mga pari ng handog na pambayad ng kasalanan, handog sa paglilinis, at handog ng pagpaparangal sa Panginoon. Dito sila magluluto para maiwasan nila ang pagdadala ng mga handog sa labas ng bulwagan. Sa ganitong paraan hindi maapektuhan ang mga tao sa kabanalan nito.”
21-22 Pagkatapos, dinala niya ako sa bulwagan sa labas, at ipinakita sa akin ang apat na sulok nito. Sa bawat sulok nito ay may maliliit na bakuran na 68 talampakan ang haba at 50 talampakan ang luwang, at pare-pareho ang laki nito.
23 Ang bawat isa nito ay napapaligiran ng mababang pader, at sa tabi ng pader ay may mga kalan.
24 Pagkatapos, sinabi sa akin ng tao, “Ito ang mga pinaglulutuan ng mga naghahandog sa templo ng handog ng mga tao.”