1 Sinabi sa akin ng Panginoon,
2 “Anak ng tao, handa ka na bang hatulan ang Jerusalem? Handa ka na bang humatol sa lungsod na ito ng mga kriminal? Ipaalam mo sa kanya ang kasuklam-suklam niyang gawain.
3 Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: O lungsod ng mga kriminal, darating na sa iyo ang kapahamakan. Dinudungisan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga dios-diosan.
4 Mananagot ka dahil sa mga pagpatay mo at dahil dinungisan mo ang iyong sarili sa paggawa ng mga dios-diosan. Dumating na ang wakas mo. Kaya pagtatawanan ka at kukutyain ng mga bansa.
5 O lungsod na sikat sa kasamaan at kaguluhan, kukutyain ka ng mga bansa, malayo man o malapit.
6 Tingnan mo ang mga pinuno ng Israel na nakatira sa iyo, ginagamit nila ang kapangyarihan nila sa mga pagpatay.
7 Hindi na iginagalang ang mga magulang sa iyong lugar. Ang mga dayuhang naninirahan sa lugar moʼy kinikikilan, at ang mga biyuda at mga ulila ay hindi tinatrato nang mabuti.
8 Hindi mo iginagalang ang mga bagay na itinuturing kong banal, pati ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa iyo.
9 May mga tao riyan na nagsisinungaling para ipapatay ang iba. Mayroon ding kumakain ng mga inihandog sa mga dios-diosan sa sambahan sa mga bundok at gumagawa ng malalaswang gawain.
10 Mayroon ding mga tao riyan na sumisiping sa asawa ng kanyang ama o sa babaeng may buwanang dalaw na itinuturing na marumi.
11 Mayroon ding sumisiping sa asawa ng iba, o sa manugang niyang babae, o sa kapatid niyang babae.
12 Ang iba ay nagpapasuhol para pumatay ng tao, ang iba ay nagpapatubo ng labis, at ang iba ay nagiging mayaman dahil mukhang pera. Kinalimutan na nila ako. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
13 Isusuntok ko ang aking kamao sa palad ko sa galit, dahil sa mga pangingikil at mga pagpatay ninyo.
14 Magiging matapang pa rin ba kayo at malakas ang loob sa oras na parusahan ko na kayo? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito: Siguradong paparusahan ko kayo. Tiyak na gagawin ko ito.
15 Pangangalatin ko kayo sa ibaʼt ibang bansa at patitigilin ko ang mga ginagawa ninyo na nagpaparumi sa inyo.
16 Lalapastanganin kayo ng mga taga-ibang bansa at malalaman ninyo na ako ang Panginoon.”
17 Sinabi rin sa akin ng Panginoon,
18 “Anak ng tao, ang mga mamamayan ng Israel ay wala nang halaga sa akin. Tulad sila ng sari-saring latak ng tanso, lata, bakal at tingga na naiwan pagkatapos dalisayin ang pilak sa hurno.
19 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sapagkat wala kayong kabuluhan, titipunin ko kayo sa Jerusalem,
20-21 katulad ng taong nagtitipon ng pilak, tanso, bakal, tingga at lata sa nagniningas na hurno para tunawin. Titipunin ko kayo sa Jerusalem para ibuhos sa inyo ang galit ko at doon ko kayo parurusahan na parang mga metal na tinutunaw.
22 Kung paanong ang pilak ay tinutunaw sa hurno, tutunawin din kayo sa Jerusalem at malalaman ninyo na ako, ang Panginoon, ang nagpadama ng galit ko sa inyo!”
23 Sinabing muli sa akin ng Panginoon,
24 “Anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na dahil ayaw nilang linisin ko sila, hindi ko sila kaaawaan sa araw na ibuhos ko sa kanila ang aking galit.
25 Ang mga pinuno nila ay nagpaplano ng masama. Para silang umaatungal na leon na lumalapa ng kanyang biktima. Pumapatay sila ng tao, kumukuha ng mga kayamanan at mahahalagang bagay, at marami ang naging biyuda dahil sa mga pagpatay nila.
26 Ang mga pari nilaʼy hindi sumusunod sa mga utos ko at nilalapastangan nila ang mga bagay na itinuturing kong banal. Para sa kanila, walang pagkakaiba ang banal at ang hindi banal, ang malinis at ang marumi, at hindi nila sinusunod ang mga ipinapagawa ko sa kanila sa Araw ng Pamamahinga. Hindi nila ako iginagalang.
27 Ang mga pinuno nilaʼy parang mga lobong lumalapa sa mga biktima nito. Pumapatay sila para magkapera.
28 Pinagtatakpan ng kanilang mga propeta ang mga kasalanan nila sa pamamagitan ng mga hindi totoong pangitain at mga hula. Sinasabi nilang iyon daw ang sinabi ng Panginoong Dios kahit na hindi ito sinabi ng Panginoon.
29 Nandaraya at nagnanakaw ang mga tao. Inaapi nila ang mahihirap, ang mga nangangailangan at ang mga dayuhang naninirahang kasama nila. Hindi nila binibigyan ng katarungan ang mga ito.
30 “Naghahanap ako ng taong makapagtatanggol ng lungsod, at mamamagitan sa akin at sa mga tao para hindi ko gibain ang lungsod na ito, pero wala akong nakita.
31 Kaya ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila. Lilipulin ko sila dahil sa ginawa nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”