3 Lubhang pinahirapan ang Juda at ang mga mamamayan niyaʼy binihag. Doon na sila nakatira sa ibang bansa kung saan hindi sila makapagpahinga. Tinugis sila ng kanilang mga kaaway hanggang hindi na sila makatakas.
4 Ang mga daan patungo sa Jerusalem ay puno na ng kalungkutan, dahil wala nang dumadalo sa mga takdang pista. Sa mga pintuang bayan ay wala na ring mga tao. Ang mga pari ay dumadaing, at ang mga dalaga ay nagdadalamhati. Napakapait ng sinapit ng Jerusalem.
5 Pinamunuan sila ng kanilang mga kaaway, at yumaman ang mga ito. Sapagkat pinahirapan ng Panginoon ang Jerusalem dahil napakarami nitong kasalanan. Ang kanyang mga mamamayan ay binihag ng mga kaaway.
6 Ang kagandahan ng Jerusalem ay naglaho na. Ang kanyang mga pinuno ay parang mga gutom na usa na naghahanap ng pastulan. Silaʼy nanghihina na habang tumatakas sa mga tumutugis sa kanila.
7 Ngayong ang Jerusalem ay nagdadalamhati at naguguluhan, naalala niya ang lahat ng dati niyang yaman. Nang mahulog siya sa kamay ng mga kaaway niya, walang sinumang tumulong sa kanya. At nang siyaʼy bumagsak, kinutyaʼt tinawanan pa siya ng mga kaaway niya.
8 Napakalaki ng kasalanan ng Jerusalem, kaya naging marumi siya. Ang lahat ng pumupuri noon sa kanya ngayoʼy hinahamak na siya, dahil nakita nila ang kanyang kahihiyan. Sa hiya ay napadaing siya at tumalikod.
9 Nahayag sa lahat ang kanyang karumihan, at hindi niya inalala ang kanyang kasasapitan. Malagim ang kanyang naging pagbagsak, at walang sinumang tumutulong sa kanya. Kaya sinabi niya, “O Panginoon tingnan nʼyo po ang aking paghihirap, dahil tinalo ako ng aking mga kaaway.”