1 Ang mga Judio sa Jerusalem at Judea ay bumabati sa kanilang mga kababayan sa Egipto,“Hangad namin ang inyong lubos na kapayapaan!
2 “Pagpalain nawa kayo ng Diyos at alalahanin nawa niya ang kanyang tipan sa matatapat niyang lingkod na sina Abraham, Isaac at Jacob.
3 Bigyan nawa niya kayong lahat ng pusong masigasig sa pagsamba sa kanya at sa pagsunod nang buong puso at pagsang-ayon sa kanyang kalooban.
4 Tulungan nawa niya kayo na maunawaan ang kanyang mga utos, at pagkalooban nawa niya kayo ng kapayapaan.
5 Dinggin nawa ng Diyos ang inyong mga dalangin at patawarin ang inyong mga pagkakasala. Nawa'y huwag niya kayong hiwalayan sa panahon ng kahirapan.