1 Halos kasabay ng pangyayaring ito ang ikalawang pagsalakay ni Antioco IV sa Egipto.
2 Apatnapung araw na may pangitaing nakikita sa kalangitan ang mga taga-Jerusalem. Sa pangitain ay may nakikitang mga mangangabayo na lumulusob sa papawirin; nakasuot sila ng mga ginintuang baluti. Ang mga mangangabayo ay may mga nakaambang sibat at tabak.
3 Nakahanay sila nang magkaharap; sila-sila'y naglalaban-laban. Nagkikintaban ang mga kalasag at mga sibat nila. Nagliliparan ang mga palaso. Nagkikislapan ang mga ginintuang baluti at lahat ng uri ng kanilang sandata.
4 Lahat ng nakasaksi nito'y nanalanging nawa'y nagpapahiwatig ito ng magandang hinaharap.
5 Kumalat ang maling balita na si Antioco ay patay na, kaya't si Jason ay nagtipon ng 1,000 kawal at naglunsad ng biglaang pagsalakay sa lunsod. Walang nagawa ang nagtatanggol ng pader. Sila ay umurong kaya't nakuha ang lunsod. Nagkubli si Menelao sa kuta,
6 habang patuloy naman ang pagpatay ni Jason sa kanyang mga kababayan. Hindi man lang niya naisip na ang pang-aapi sa sariling kababayan ay magkakaroon ng pinakamasaklap na bunga. Ang tanging hangad niya ngayon ay maging tanyag at magtagumpay kahit ang sariling mga kababayan ang kalabanin.
7 Ang wakas ng ginawa niya'y malaking kahihiyan. Sa kabila ng lahat, hindi rin siya nagtagumpay sa pag-agaw sa pamamahala. Sa halip ay napilitan siyang tumakas na muli at magtago sa lupain ng mga Ammonita. Walang kinahinatnan ang kanyang masamang balak kundi pawang kabiguan lamang.
8 Kahabag-habag ang naging wakas ng kanyang buhay. Ipinakulong siya ni Aretas, hari ng mga Arabo. Siya'y ibinilang na isang kriminal at tinugis ng lahat, kaya't nagtago sa iba't ibang lunsod. Kinamuhian siya dahil sa pagsuway niya sa kautusan at sa pagtataksil niya sa kanyang sariling bayan. Nagtago siya sa Egipto,
9 at mula roo'y tumawid ng dagat at nagpunta sa Esparta sa pag-asang siya'y ipagsasanggalang doon dahilan sa kaugnayan ng mga Judio at mga taga-Esparta. Ang taong ito, na naging sanhi ng pagkakatapon sa malalayong lupain ng marami niyang kababayan ay sa malayong bayan namatay.
10 Marami siyang napatay at ni hindi niya ipinalibing; ngayong namatay siya ay hindi man lamang ipinagdalamhati ninuman. Hindi siya binigyan ng maayos na libing o kaya'y ipinalibing sa piling ng kanyang mga ninuno.
11 Nang mabalitaan ito ng hari, akala niya'y naghihimagsik na ang mga taga-Judea. Kaya't mula sa Egipto'y nagsama siya ng hukbo, at parang mabangis na hayop na sinalakay niya ang Jerusalem.
12 Iniutos niya sa mga kawal na huwag maaawa sa mga mamamayan; lahat ng matagpuan sa lansangan o kaya'y nagtatago sa mga tahanan ay pagtatagain at patayin.
13 Matanda't bata'y walang kinaawaan. Mga babae, mga bata, mga dalaga at kahit batang pasusuhin pa ay kanilang pinaslang.
14 Sa loob ng tatlong araw, 80,000 tao ang nasawi sa Jerusalem—40,000 rin ang pinatay agad at 40,000 naman ang ipinagbili bilang alipin.
15 Hindi pa nasiyahan ang hari; pinasok din niya ang pinakabanal na Templo sa buong daigdig, sa pangunguna ng taksil na si Menelao.
16 Walang iginalang ang hari sa loob ng Templo. Kinuha ng marumi niyang kamay ang mga banal na sisidlan at ang makasalanan ding kamay na iyon ang lumimas ng lahat ng handog ng mga hari para sa karangala't ikadadakila ng templong iyon.
17 Gayon na lamang ang pagmamalaki ni Antioco kaya't hindi na niya naisip na ito'y pinabayaan ng Panginoon na mangyari dahil pansumandaling nagalit siya sa mga taga-Jerusalem dahil sa kanilang mga pagkakasala.
18 Kung hindi nga lamang maraming kasalanan ang mga taga-Jerusalem, marahil si Antioco'y pinarusahan agad ng Diyos bago niya nagawa ang kalapastanganang iyon. Dapat sana'y nangyari din sa kanya ang nangyari kay Heliodoro, na isinugo ng hari para magsiyasat sa kabang-yaman, subalit pinarusahan ng Diyos kaya hindi nagtagumpay sa kanyang masamang balak.
19 Ngunit ang pinipili ng Panginoon ay ang lugar para sa mga tao at hindi ang mga tao para sa lugar.
20 Kaya't nadamay ang Templo sa kapahamakang sumapit sa mga tao. Gayon pa man, ang mga tao ay nakahati rin sa naging pagtatagumpay ng bansa. Ang Templong pinabayaan ng Makapangyarihang Diyos sa panahon ng kanyang galit ay maluwalhating naibalik sa dating kadakilaan nang mapawi ang poot niya.
21 Kinuha ni Antioco ang 360,000 kilong pilak sa kabang-yaman ng Templo at nagmamadaling dinala ito sa Antioquia. Ang kapalaluan niya'y umabot sa sukdulan; pati na ang dagat ay inisip na kaya niyang gawing lupa at gawing lupa naman ang dagat, para madaanan ng mga kawal.
22 Pumili siya ng mga tagapamahala na magbibigay-ligalig sa mga Judio. Sa Jerusalem, inilagay niya si Felipe, tubong Frigia na lalo pang malupit kaysa kanya.
23 Sa Bundok ng Gerizim, ang pinili niyang mangasiwa ay si Andronico, ngunit naroon din si Menelao, ang pinakamalupit sa kanilang lahat. Ganyan ipinadama ng hari ang kanyang pagkamuhi sa mga Judio.
24 Sa galit sa kanila, ipinadala niya sa Jerusalem ang isang hukbo ng 22,000 kawal sa pamumuno ni Apolonio, ang pinuno ng mga taga-Misia. Inutusan silang patayin ang lahat ng mga lalaking nasa hustong gulang na; ang mga babae't mga kabataang lalaki naman ay ipagbili bilang alipin.
25 Pagdating sa Jerusalem, nagkunwari si Apolonio na kapayapaan ang kanyang layon. Nang Araw ng Pamamahinga, wala isa mang Judio na lumabas ng bahay upang gumanap ng anumang gawain, kaya't pinalabas niya para magparada ang buong hukbong sandatahan.
26 Ngunit ipinapatay niya ang lahat ng lumabas para manood. Pangkat-pangkat ang mga kawal na lumusob sa lunsod at maraming tao ang napatay nang araw na iyon.
27 Si Judas Macabeo, kasama ang siyam niyang tauhan, ay tumakas patungo sa ilang at doon nanirahan na parang mga hayop na ligaw. Upang hindi sila mahawa sa masamang pamumuhay sa lunsod, ang kinakain nila'y mga halamang gubat lamang.