1 Noong si Onias ang Pinakapunong Pari sa Jerusalem, naghari sa banal na lunsod ang ganap na katahimikan, at ang mga utos ng Diyos ay matapat na sinunod ng mga tao. Ito'y sa dahilang si Onias ay isang taong mahigpit na kalaban ng kasamaan.
2 Kahit ang mga hari ng Siria at Egipto ay gumalang sa Templo, at bilang pagpaparangal ay nagpadala sila roon ng mahahalagang kaloob.
3 Sa katunayan, si Seleuco na hari ng buong Asia ang nagbibigay ng lahat ng panustos ng Templo sa pagsamba at paghahandog sa Diyos. Kinukuha niya ito sa mga nalilikom niyang buwis.
4 Ngunit ang ganitong kalagayan ay hindi nagtagal. Isang nagngangalang Simon, mula sa lipi ni Benjamin, ang nakaaway ng Pinakapunong Pari. Si Simon, na siyang tagapamahala sa Templo, at si Onias, na Pinakapunong Pari, ay hindi nagkaunawaan tungkol sa patakaran sa pamilihang bayan.
5 Alam ni Simon na hindi siya mananalo kay Onias, kaya't nagpunta siya kay Apolonio na anak ni Tarseo at gobernador noon sa Celesiria at Fenicia.
6 Nagsumbong si Simon kay Apolonio tungkol sa napakalaking kayamanang nasa Jerusalem. Ang kayamanan at salapi roon ay hindi mabibilang. Ayon sa kanya, labis-labis iyon sa kinakailangan para sa paghahain, kaya't maaaring angkinin ng hari.
7 Pagkarinig ni Apolonio sa ulat ni Simon, kaagad siyang nakipagkita sa hari at ibinalita ang tungkol sa kayamanang iyon. Isinugo agad ng hari ang kanyang punong tagapagpaganap na si Heliodoro at inutusang samsamin ang kayamanang iyon.
8 Umalis si Heliodoro ngunit hindi nagpahalata ng tunay niyang pakay sa pag-alis. Ang ginawa niyang dahilan ay ang pagdalaw sa mga lunsod ng Celesiria at Fenicia.
9 Dumating siya sa Jerusalem at doon ay malugod na pinatuloy ng Pinakapunong Pari. Tinanong ni Heliodoro kung totoo ang balitang tinanggap ng hari tungkol sa kayamanang nasa Templo.
10 Ipinaliwanag naman ni Onias na ang labis na salapi roon ay halagang nakalaan para sa mga biyuda at mga ulila.
11 Kasama rin sa salaping naroon ang kayamanan ni Hircano na anak ni Tobias na may mataas na katungkulan. Sinabi niya na ang ulat ng sinungaling na si Simon ay hindi totoo, sapagkat ang kabuuan lamang ng salaping nasa kaban ay 14,000 kilong pilak at 7,000 kilong ginto.
12 Sinabi pa niyang ni sa isipa'y di dapat pagsamantalahan ang mga taong naglagak ng pagtitiwala sa banal na pook at sa di mapag-aalinlanganang kabanalan ng Templong tanyag sa buong daigdig.
13 Subalit ipinasya ni Heliodoro na samsamin ang salapi para sa hari, gaya ng utos nito.
14 Kaya't nang araw na itinakda, pumasok siya sa templo upang bilangin ang salaping naroon. Sa ginawa niyang ito'y naligalig ang lahat sa buong lunsod.
15 Nagpatirapa ang mga pari sa harap ng altar at malakas na nanalangin sa Diyos na loobin nawang huwag magalaw ang salaping inilagak ng mga tao sa kabang-yaman ng Templo.
16 Nabagbag ang kalooban ng bawat makakita sa Pinakapunong Pari, sapagkat sa mukha niya'y nababakas ang labis na pagdaramdam.
17 Nanginginig siya sa takot at makikitang labis na nasasaktan ang kanyang kalooban. Halatang-halata ang pagkabalisang namamayani sa katauhan ng Pinakapunong Pari.
18 Nang mabalitaan ito ng mga tao, lumabas sila sa kanilang mga tahanan at pangkat-pangkat na tumawag sa Diyos. Nakita nila ang napipintong paglapastangan sa banal na dako.
19 Nagsisiksikan sa lansangan ang mga babaing may mga damit-panluksa. Ang mga dalagang dati-rati'y hindi pinalalabas ng bahay ay nakita ng madla; may tumakbong papunta sa mga pintuan, at may nagtipun-tipon sa tabi ng mga pader ng lunsod; ang iba'y nanonood lamang mula sa bintana ng kanilang mga tahanan.
20 Nakataas ang mga kamay ng lahat na dumadalangin sa Diyos.
21 Nakasubsob sa lupa ang mukha ng bawat isa at kalunus-lunos tingnan, lalo't kung makikita ang kahabag-habag na anyo ng Pinakapunong Pari.
22 Habang nananalangin sila sa Panginoong Makapangyarihan sa lahat upang ingatan ang nakalagak na salapi,
23 patuloy naman si Heliodoro sa pagsasagawa ng binabalak.
24 Ngunit nang siya at ang kanyang mga tauha'y papalapit na sa kabang-yaman, nagpakita ng isang nakakatakot na pangitain ang Panginoon ng lahat ng espiritu at kapangyarihan. Lahat ng naglakas-loob na sumama kay Heliodoro ay hinimatay sa takot dahil sa ipinakitang kapangyarihan ng Diyos.
25 Sa pangitain ay lumitaw ang isang kabayong nagagayakan para lumaban. Nakakatakot ang anyo ng sakay nito at nakasuot ng gintong baluti. Biglang sumugod ang kabayo at dinamba si Heliodoro.
26 Dalawa pang bihis na bihis, makisig at matipunong binata ang humarap sa kanya. Tumayo ang isa sa kaliwa niya at ang isa nama'y sa kanan, at hindi siya tinigilan nang kagugulpi.
27 Nang bumagsak si Heliodoro at nawalan ng malay, binuhat siya ng kanyang mga tauhan at inilagay nila sa isang higaan.
28 Ang lalaking kanina lamang ay pumasok sa Templo para lusubin ang kabang-yaman, kasama ang kanyang mga tauhan, ngayon ay inilabas na walang malay-tao. Dahil doo'y hayagan nilang kinilala ang kapangyarihan ng Diyos.
29 Sa gayong kalagayan, wala nang pag-asang makabangon pa si Heliodoro dahil sa ginawang paghadlang sa kanya ng Diyos.
30 Samantala, pinuri naman ng mga Judio ang Panginoon sa kababalaghang ginawa niya sa kanyang Templo. Ang takot at pangamba ay napalitan ng tuwa at kagalakan dahil sa pagkilos ng makapangyarihang Panginoon.
31 Dahil sa nangyaring ito, naglakas-loob ang ilang kasama ni Heliodoro na lumapit kay Onias. Hiniling nila na ipanalangin sa Kataas-taasang Diyos na loobing si Heliodoro ay mabuhay.
32 Upang huwag akalain ng hari na may kinalaman ang mga Judio sa sinapit ni Heliodoro, naghandog si Onias sa Panginoon upang iyon ay gumaling.
33 Habang naghahandog ang Pinakapunong Pari, lumitaw na naman sa harapan ni Heliodoro ang dalawang kabataang gayon pa rin ang kasuotan. “Dapat kang magpasalamat sa Punong Paring si Onias,” wika ng dalawa. “Siya ang nanalangin sa Panginoon kaya ka nabuhay.
34 Ang Diyos ang nagparusa sa iyo, kaya kailangang sabihin mo sa mga tao ang tungkol sa kanyang kapangyarihan.” Matapos masabi ito, ang dalawa'y naglaho.
35 Bilang pagtanaw ng utang na loob, si Heliodoro ay naghandog sa Panginoon at gumawa ng panata sa tagapagligtas ng buhay niya. Matapos niyang tupdin ito, siya'y nagpaalam kay Onias, at nagbalik sa hari kasama ang kanyang mga tauhan.
36 Pinatotohanan niya sa harap ng madla ang nakita niyang mga ginawa ng Kataas-taasang Diyos.
37 Tinanong ng hari kay Heliodoro kung sino sa akala niya ang dapat na ipadalang sugo sa Jerusalem, at sumagot siya,
38 “Kung may kaaway po kayo o may sinumang laban sa inyong pamahalaan, siya ang inyong ipadala. Makikita ninyo na kung makakabalik pa siyang buháy, siya'y nasa kalagayang hindi na makakalaban pa. Mayroon pong banal na kapangyarihan doong magpaparusa sa kanya.
39 Ang Diyos sa kalangitan ang nangangalaga sa pook na iyon, at sinumang mangahas manakit doon ay napapahamak.”
40 Ito ang ulat ng kasaysayan ni Heliodoro at kung paano iningatan ang kayamanan sa Templo.