21 at ibuhos sa handog sa altar at sa kahoy na kinapapatungan nito.
22 Ginawa nga nila ito, at paglitaw ng araw na noo'y natatakpan ng ulap, isang malaking siga ang sumiklab sa ibabaw ng altar. Namangha ang lahat sa kanilang nasaksihan.
23 Habang natutupok ang handog, pinangunahan sila ni Jonatan sa pananalangin at tumugon naman si Nehemias at ang mga tao.
24 “Ganito ang panalangin ni Nehemias:‘Panginoon naming Diyos, ikaw ang lumikha ng lahat ng bagay; kahanga-hanga ka, makapangyarihan, makatarungan at mahabagin. Ikaw lamang ang hari. Ikaw lamang ang mahabagin,
25 makatarungan at makapangyarihan. Ikaw ang walang hanggang tagapagligtas ng Israel. Ikaw ang humirang at nagpala sa aming mga ninuno.
26 Tanggapin mo ang handog naming ito para sa Israel. Ingatan mo at pabanalin ang iyong bansang pinili.
27 Tipunin mo po ang nagkawatak-watak na mga Judio, na inalipin ng mga Hentil. Kahabagan mo po ang mga kinamumuhian at inaapi, upang malaman ng mga Hentil na ikaw ang aming Diyos.