7 “Noong taóng 169, nang si Demetrio II ang naghahari sa Siria, sumulat kami sa inyo sapagkat noon ay dumating sa amin ang kahirapan at pag-uusig. Naranasan namin ang lahat ng ito mula nang si Jason at ang kanyang mga kapanalig ay maghimagsik laban sa Lupaing Banal at sa kaharian.
8 Sinunog nila ang mga pintuan ng Templo at pinatay ang mga taong wala namang kasalanan. Ngunit kami ay tumawag sa Panginoon at dininig naman niya ang aming panalangin, kaya't kami ay nag-alay ng handog na hayop at harina, nagsindi ng mga ilawan, at naghain ng tinapay sa altar.
9 Ngayon ay ipinapaalala namin sa inyo na ipagdiwang ang Pista ng mga Tolda sa ikasiyam na buwan. Isinulat ito ngayong taóng 188.”
10 “Ang mga taga-Jerusalem at taga-Judea, ang Senado, at si Judas, ay bumabati kay Aristobulo na tagapayo ni Haring Tolomeo at mula sa angkan ng mga hinirang na pari. Binabati rin namin ang mga Judio sa Egipto. Nawa'y patuloy na maging masagana ang inyong buhay.
11 “Nagpapasalamat kami sa Diyos sa pagliligtas niya sa amin sa panganib at pamamatnubay sa aming pakikidigma laban sa hari.
12 Siya ang nagpalayas sa mga nangahas lumusob sa banal na lunsod.
13 Nang dumating sa Persia si Haring Antioco, kasama ang isang hukbong parang hindi matatalo, sila'y pinatay at pinagputul-putol sa Templo ng diyosang si Nanea. Ito'y isinagawa ng mga tusong pari ng diyosa.