26 at nagpatirapa sa harap ng altar. Hiniling nila na kahabagan sila ng Panginoon at tulungan sa paglaban sa kanilang kaaway, gaya ng ipinangako niya sa Kautusan.
27 Pagkatapos manalangin, kinuha nila ang kanilang mga sandata, lumabas ng lunsod, at humimpil kinagabihan sa pook na malapit sa mga kaaway.
28 Pagsikat ng araw, nagsagupa ang dalawang hukbo; ang isa'y umasang magtatagumpay hindi lamang sa kanilang tapang kundi sa tulong ng Panginoon, samantalang ang isa'y nagtitiwala lamang sa sariling kakayahan.
29 Sa gitna ng nag-aalimpuyong labanan, isang pangitain mula sa langit ang nakita ng mga kaaway. Nakita nila na may limang lalaking nakasakay sa mga kabayong may rendang ginto ang nangunguna sa lumalabang mga Judio.
30 Pinalibutan nila si Judas para hindi masaktan, mismong baluti nila ang ginawang pananggalang nito. Pinauulanan nila ng palaso at malalaking bato ang mga kaaway. Nalito at nabulag ang mga iyon, kaya't nagulo ang kanilang pangkat at nagkawatak-watak.
31 Napatay sa kanila sa labanang iyon ang 20,500 mga kawal na lakad at 600 mangangabayo.
32 Si Timoteo ay nakatakas papunta sa napapaderang muog sa Gezer, na pinamumunuan ni Quereas.