8 Nagpalabas din sila ng kautusan na ang araw na ito ay ipagdiwang ng buong bansang Judio taun-taon.
9 Ganyan nagwakas ang buhay ni Haring Antioco na tinawag ding Epifanes.
10 Ang ilalahad ko naman ngayon ay ang kasaysayan ng anak niyang si Antioco Eupator, at ang kasamaang ibinunga ng kanyang mga pakikidigma.
11 Pagkaupung-pagkaupo ni Eupator bilang hari, inilagay niya si Lisias bilang punong-pangkalahatan upang magpalakad ng pamahalaan ng Celesiria at Fenicia.
12 Si Tolomeo Macron, ang kauna-unahang gobernador na naging mabuti ang pakikitungo sa mga Judio. Nasaksihan niya ang mga kalupitang ginawa sa mga Judio. Kaya't ibinalik niya ang mapayapang pagsasamahan nila, upang kahit papaano'y mabayaran ang kalupitang dinanas nila.
13 Nang malaman ito ng mga kaibigan ng hari, isinumbong siya kay Haring Eupator. Sinabi nilang nagtaksil siya sapagkat iniwan niya ang Cyprus na ipinagkatiwala sa kanya ni Filometor, at kay Antioco Epifanes siya pumanig. Dahil dito, hindi na siya iginagalang ng mga tao, kaya't nagpakamatay siya sa pamamagitan ng pag-inom ng lason.
14 Pagkamatay ni Tolomeo, naging gobernador ng lupaing Edom si Gorgias. Kumuha ito ng mga kawal na bayaran at kapag nagkakaroon ng pagkakataon ay nilulusob niya ang mga Judio.