27 Ganito naman ang sulat ng hari sa mga mamamayang Judio: “Pagbati buhat kay Haring Antioco, para sa pamahalaang Judio at sa buong mamamayan.
28 Nawa, kayo'y nasa mabuting kalagayan tulad namin.
29 Ibinalita ni Menelao na nais na raw ninyong bumalik sa sariling tahanan at mamuhay ayon sa inyong kaugalian.
30 Kung gayon, ang lahat ng gustong umuwi bago dumating ang ikatatlumpung araw ng buwan ng Xantico ay aming pinahihintulutan.
31 Masusunod na ninyo ang inyong mga tuntunin sa pagkain at iba pang kautusan. Walang sinumang Judiong paparusahan dahil sa pagkakasalang nagawa niya dahil sa hindi niya alam na ito'y pagkakasala.
32 Si Menelao mismo ang isinugo ko sa inyo para ipaliwanag ang tungkol dito.
33 Hangad ko ang inyong ikabubuti. Sinulat ngayon, ikalabing limang araw ng buwan ng Xantico, taóng 148.”