3 Kung magkagayon, sisingilan niya ng buwis ang Templo gaya ng ginagawa niya sa mga banal na dako sa ibang bansang kanyang nasakop, at taun-taon ay ipagbibili niya ang tungkulin ng Pinakapunong Pari.
4 Tuwang-tuwa siya sa dami ng kanyang sundalo, sa libu-libong mangangabayo at walumpung elepante. Hindi na niya binigyang-halaga ang kapangyarihan ng Panginoon.
5 Sa pamamagitan ng hukbong ito'y nilusob niya ang Judea. Pagsapit sa Beth-sur, isang napapaderang lugar na dalawampung milya ang layo sa Jerusalem, sinimulan niya ang walang humpay na pagsalakay.
6 Nang mabalitaan ni Judas Macabeo at ng kanyang mga tauhan ang pagsalakay ni Lisias, sila at ang buong bayan ay lumuluhang nanalangin sa Panginoon na sana'y padalhan sila ng isang anghel na magliligtas sa Israel.
7 Si Judas Macabeo ang unang kumuha ng kanyang sandata upang lumaban; hinikayat niya ang iba na sumama sa kanya at isuong ang kanilang buhay sa panganib alang-alang sa mga kababayan. Kaya't masigla silang lumabas para harapin ang mga kaaway.
8 Hindi pa sila nakakalayo sa Jerusalem nang walang anu-ano'y may lumitaw sa unahan nila na isang mangangabayong nakaputi at may mga ginintuang sandata.
9 Sa nakitang ito, lahat sila'y nagpasalamat sa mahabaging Diyos. Lumakas ang kanilang loob; sa pakiramdam nila, hindi lamang tao kundi maging mababangis na hayop o tanggulan mang bakal ay kaya nilang harapin.