1 Nang taóng 149, nabalitaan ni Judas na lulusubin ni Antioco Eupator ang Judea kasama ang isang malaking hukbo.
2 Kasama rin niya si Lisias, na kanyang guro at tagapamahala ng kaharian. Bawat isa ay namuno sa hukbong binubuo ng mga kawal Griego: 110,000 sundalo, 5,300 mangangabayo, dalawampu't dalawang elepante at 300 karwahe na may matatalas na karit sa gulong.
3 Sumama sa pagsalakay si Menelao, at sinulsulan si Antioco na huwag titigilan ang pagsalakay. Ginawa niya ito hindi dahil sa bayan kundi dahil sa hangad niyang maging Pinakapunong Pari.
4 Ngunit siya'y nabigo, sapagkat ginalit ng Diyos na Hari ng mga hari si Antioco laban kay Menelao. Nalaman ng hari mula kay Lisias na si Menelao ang dahilan ng mga kaguluhang iyon, kaya't iniutos niyang dalhin ito sa Berea at patayin ayon sa kaugalian doon.