4 Ngunit siya'y nabigo, sapagkat ginalit ng Diyos na Hari ng mga hari si Antioco laban kay Menelao. Nalaman ng hari mula kay Lisias na si Menelao ang dahilan ng mga kaguluhang iyon, kaya't iniutos niyang dalhin ito sa Berea at patayin ayon sa kaugalian doon.
5 Sa lunsod na iyo'y may isang tore na mahigit dalawampu't dalawang metro ang taas at halos puno ng abo. Mula sa itaas nito pababa at sa taluktok ng tore ay may platapormang hugis imbudo.
6 Sinumang lumapastangan sa mga diyos o kaya'y magkasala nang mabigat ay inihuhulog sa toreng ito.
7 Gayon ang parusang tinanggap ni Menelao. Ni hindi man lamang siya inilibing.
8 Makatarungan lamang na ang taong ito'y sa abo mamatay dahil hindi niya iginalang ang altar na may dalisay na apoy at abo.
9 Ang isipan ng hari ay punung-puno ng masasamang balak laban sa mga Judio, mga parusang higit sa tinamo ng mga ito sa kamay ng kanyang ama.
10 Nang malaman ni Judas ang balak ng hari, iniutos niya sa mga tao na araw-gabi'y manalangin sa Panginoon para tulungan silang lagi, sapagkat maaaring mawala sa kanila ang kautusan, ang kanilang bansa at ang banal na templo.