6 Sinumang lumapastangan sa mga diyos o kaya'y magkasala nang mabigat ay inihuhulog sa toreng ito.
7 Gayon ang parusang tinanggap ni Menelao. Ni hindi man lamang siya inilibing.
8 Makatarungan lamang na ang taong ito'y sa abo mamatay dahil hindi niya iginalang ang altar na may dalisay na apoy at abo.
9 Ang isipan ng hari ay punung-puno ng masasamang balak laban sa mga Judio, mga parusang higit sa tinamo ng mga ito sa kamay ng kanyang ama.
10 Nang malaman ni Judas ang balak ng hari, iniutos niya sa mga tao na araw-gabi'y manalangin sa Panginoon para tulungan silang lagi, sapagkat maaaring mawala sa kanila ang kautusan, ang kanilang bansa at ang banal na templo.
11 Hiniling nila na ang kanilang bansa na bago pa lamang nababalik sa dati ay huwag na sanang mahulog sa mga kamay ng mga mapanlait na Hentil na hindi kumikilala sa Diyos.
12 Nagkakaisa silang dumulog sa mahabaging Diyos at tatlong araw na nagpatirapa, dumadalangin at walang tigil ng pag-iyak at pag-aayuno. Nang matapos ito, pinalakas ni Judas ang loob ng bawat isa, at sinabing humanda sila para sa anumang mangyayari.