9 Pagkatapos ninyong siyasatin ang mga bagay na ito, ayon sa inyong kagandahang-loob na iniuukol sa lahat, gawin po ninyo mahal na hari, kung ano ang makakabuti sa aming bansa at sa mga mamamayang naghihirap.
10 Maniwala po kayo na hanggang buháy si Judas, hindi magkakaroon ng kapayapaan sa bansa.”
11 Matapos masabi ni Alcimo ang lahat ng ito, ang ibang mga kaibigan ng hari na galit din kay Judas ay nagsulsol sa hari upang lalong mag-ibayo ang galit nito.
12 Dahil dito, mabilis na kumilos ang hari. Pinili niya agad si Nicanor, ang pinuno ng pangkat na nakasakay sa mga elepante, at ginawa itong gobernador ng Judea. Pinapunta agad ito doon
13 para patayin si Judas, lansagin ang pangkat nito, at ibalik si Alcimo sa tungkulin bilang Pinakapunong Pari sa Templong pinakadakila sa buong daigdig.
14 Lahat ng mga Hentil na namamayan sa Judea, pawang mga takas dahil sa walang humpay na paglusob ni Judas, ay nakiisa at tumulong kay Nicanor. Naniniwala sila na ang kabiguan at paghihirap ng mga Judio ay ikabubuti nila.
15 Ang pagdating ni Nicanor at ang pagsama sa kanya ng maraming Hentil ay ikinabahala ng mga Judio. Kaya't naglagay silang muli ng abo sa kanilang ulo at nanalangin sa Diyos na siyang pumili sa kanila upang maging kanya at hindi nagpapabaya sa kanila sa panahon ng kagipitan.