21 Nang makita ni Judas Macabeo ang dumarating na malaking hukbo ng kaaway, ang kanilang mga sandata at kagamitang nakahihigit, at ang mababangis na mga elepante, itinaas niya ang kanyang mga kamay at dumalangin sa Diyos na mapaghimala, sapagkat alam niyang ang pagtatagumpay ay hindi nasasalig sa laki ng hukbo kundi sa kalooban ng Diyos.
22 Ganito ang kanyang panalangin: “Noong panahon ng Haring Hezekias ng Juda, isinugo mo ang iyong anghel, at sa hukbo ni Senaquerib ay 185,000 kawal ang napatay.
23 Kataas-taasang Hari sa kalangitan, sa unahan nami'y isugo mo ngayon ang isang anghel na maghahasik ng takot at pagkabahala sa aming mga kaaway.
24 Sa taglay mong lakas, hampasin mo sila na lumalait sa iyong mga lingkod!” Dito niya winakasan ang kanyang dalangin.
25 Sa hudyat ng mga trumpeta at mga awiting pandigma, ang hukbo ni Nicanor ay nagpatuloy sa paglapit,
26 ngunit hinarap sila ni Judas at ng mga tauhan nito na tumatawag sa Diyos upang sila'y tulungan.
27 Ginamit nila ang kanilang mga bisig sa paglaban habang sa puso naman ay dumadalangin sila sa Diyos. Sa labanang iyon, 35,000 kaaway ang kanilang napatay. Gayon na lamang ang pasasalamat nila sa kapangyarihang ipinadama sa kanila ng Diyos.