1 Noong si Onias ang Pinakapunong Pari sa Jerusalem, naghari sa banal na lunsod ang ganap na katahimikan, at ang mga utos ng Diyos ay matapat na sinunod ng mga tao. Ito'y sa dahilang si Onias ay isang taong mahigpit na kalaban ng kasamaan.
2 Kahit ang mga hari ng Siria at Egipto ay gumalang sa Templo, at bilang pagpaparangal ay nagpadala sila roon ng mahahalagang kaloob.
3 Sa katunayan, si Seleuco na hari ng buong Asia ang nagbibigay ng lahat ng panustos ng Templo sa pagsamba at paghahandog sa Diyos. Kinukuha niya ito sa mga nalilikom niyang buwis.
4 Ngunit ang ganitong kalagayan ay hindi nagtagal. Isang nagngangalang Simon, mula sa lipi ni Benjamin, ang nakaaway ng Pinakapunong Pari. Si Simon, na siyang tagapamahala sa Templo, at si Onias, na Pinakapunong Pari, ay hindi nagkaunawaan tungkol sa patakaran sa pamilihang bayan.
5 Alam ni Simon na hindi siya mananalo kay Onias, kaya't nagpunta siya kay Apolonio na anak ni Tarseo at gobernador noon sa Celesiria at Fenicia.
6 Nagsumbong si Simon kay Apolonio tungkol sa napakalaking kayamanang nasa Jerusalem. Ang kayamanan at salapi roon ay hindi mabibilang. Ayon sa kanya, labis-labis iyon sa kinakailangan para sa paghahain, kaya't maaaring angkinin ng hari.
7 Pagkarinig ni Apolonio sa ulat ni Simon, kaagad siyang nakipagkita sa hari at ibinalita ang tungkol sa kayamanang iyon. Isinugo agad ng hari ang kanyang punong tagapagpaganap na si Heliodoro at inutusang samsamin ang kayamanang iyon.