2 Macabeo 4:33-39 MBB05

33 Nang malaman ito ni Onias, nagtago siya sa Dafne, malapit sa Antioquia at doo'y ibinunyag niya sa madla ang ginawang pagsasamantala ni Menelao.

34 Sa galit naman ni Menelao, lihim nitong kinausap si Andronico at inudyukang patayin si Onias. Pinuntahan nga ni Andronico si Onias at hinimok siyang lumabas na sa kanyang pinagtataguan. Sa simula'y naghinala si Onias, subalit sa pamamagitan ng mga sinumpaang pangako'y napasang-ayon ding lumabas si Onias; at siya'y walang awang pinatay ni Andronico.

35 Sa nangyaring ito'y nagalit at nagluksa hindi lamang ang mga Judio kundi pati ang ibang mga bansa dahil sa walang katarungang pagpatay kay Onias.

36 Nang dumating ang hari buhat sa Cilicia, pinuntahan agad siya ng mga Judiong taga-Antioquia at nagharap sila ng demanda tungkol sa nangyari. Sumama rin ang mga Griego na nagalit din sa nangyaring pagpatay kay Onias.

37 Gayon na lamang ang kalungkutan ni Antioco. Nahabag siya at tumangis lalo na nang magunita ang napakagandang pag-uugali ni Onias.

38 Sa galit ni Antioco, pinunit niya ang kanyang maharlikang kasuotan hanggang sa siya'y mahubaran. Sa ganitong ayos, si Andronico ay ipinarada sa lunsod hanggang sa dakong pinagpatayan niya kay Onias. Pagdating doon, pinatay rin siya at sa gayo'y tinanggap niya ang kaukulang parusang niloob ng Panginoon.

39 Si Lisimaco naman ay nakikipagsabwatan kay Menelao sa maraming pagnanakaw sa lunsod. Nabalitaan ng mga tao na marami nang kasangkapang ginto ang nawawala sa templo, kaya agad silang nagtipun-tipon at pinuntahan si Lisimaco.