2 Macabeo 4:7-13 MBB05

7 Sa kasamaang palad, namatay si Haring Seleuco, at si Antioco na tinatawag ding Epifanes ang siyang humalili dito. Inagaw naman ni Jason ang pagiging Pinakapunong Pari mula sa kanyang kapatid na si Onias sa pamamagitan ng masamang paraan.

8 Lumapit ito sa bagong hari at nangakong magbibigay dito ng halagang 12,600 kilong pilak at hahanap pa siya ng ibang pagkukunan para madagdagan pa ng 2,800 kilo.

9 Hindi lamang ito, nangako pa rin si Jason ng karagdagang 11,250 libra, kung bibigyan siya ng pahintulot na magtayo ng isang palaruan at bumuo ng samahan ng mga kabataang manlalaro; nais din niyang gawing mamamayan ng Antioquia ang mga taga-Jerusalem.

10 Sumang-ayon ang hari. Kaya't pag-upo ni Jason bilang Pinakapunong Pari, agad niyang sinimulang akitin ang kanyang mga kababayan na umayon sa pamumuhay Griego.

11 Pinawalang-saysay niya ang mga tanging karapatang ipinagkaloob ng hari sa mga Judio noong panahon ni Juan, ama ni Eupolemo. Si Eupolemo ang sugong nagtagumpay na makuha ang kasunduan ng pagkakaibigan ng mga Judio at ng mga taga-Roma. Pinalitan ni Jason ang umiiral na batas at ang inihalili'y mga kaugaliang salungat sa Kautusan.

12 Ipinagawa niya agad ang palaruan at doon niya ito ipinatayo sa paanan ng tanggulang tinatawag na Acropolis. Pinagsuot niya ang mga piniling kabataang Judio ng sumbrerong Griego na gamit sa paglalaro.

13 Mula noon, ang pamumuhay Griego at mga kaugaliang dayuhan na ang kinahumalingan ng marami. Ito'y bunga ng labis na kasamaan ng mapagpanggap na paring si Jason.