14 Sa loob ng tatlong araw, 80,000 tao ang nasawi sa Jerusalem—40,000 rin ang pinatay agad at 40,000 naman ang ipinagbili bilang alipin.
15 Hindi pa nasiyahan ang hari; pinasok din niya ang pinakabanal na Templo sa buong daigdig, sa pangunguna ng taksil na si Menelao.
16 Walang iginalang ang hari sa loob ng Templo. Kinuha ng marumi niyang kamay ang mga banal na sisidlan at ang makasalanan ding kamay na iyon ang lumimas ng lahat ng handog ng mga hari para sa karangala't ikadadakila ng templong iyon.
17 Gayon na lamang ang pagmamalaki ni Antioco kaya't hindi na niya naisip na ito'y pinabayaan ng Panginoon na mangyari dahil pansumandaling nagalit siya sa mga taga-Jerusalem dahil sa kanilang mga pagkakasala.
18 Kung hindi nga lamang maraming kasalanan ang mga taga-Jerusalem, marahil si Antioco'y pinarusahan agad ng Diyos bago niya nagawa ang kalapastanganang iyon. Dapat sana'y nangyari din sa kanya ang nangyari kay Heliodoro, na isinugo ng hari para magsiyasat sa kabang-yaman, subalit pinarusahan ng Diyos kaya hindi nagtagumpay sa kanyang masamang balak.
19 Ngunit ang pinipili ng Panginoon ay ang lugar para sa mga tao at hindi ang mga tao para sa lugar.
20 Kaya't nadamay ang Templo sa kapahamakang sumapit sa mga tao. Gayon pa man, ang mga tao ay nakahati rin sa naging pagtatagumpay ng bansa. Ang Templong pinabayaan ng Makapangyarihang Diyos sa panahon ng kanyang galit ay maluwalhating naibalik sa dating kadakilaan nang mapawi ang poot niya.