2 Macabeo 5:17-23 MBB05

17 Gayon na lamang ang pagmamalaki ni Antioco kaya't hindi na niya naisip na ito'y pinabayaan ng Panginoon na mangyari dahil pansumandaling nagalit siya sa mga taga-Jerusalem dahil sa kanilang mga pagkakasala.

18 Kung hindi nga lamang maraming kasalanan ang mga taga-Jerusalem, marahil si Antioco'y pinarusahan agad ng Diyos bago niya nagawa ang kalapastanganang iyon. Dapat sana'y nangyari din sa kanya ang nangyari kay Heliodoro, na isinugo ng hari para magsiyasat sa kabang-yaman, subalit pinarusahan ng Diyos kaya hindi nagtagumpay sa kanyang masamang balak.

19 Ngunit ang pinipili ng Panginoon ay ang lugar para sa mga tao at hindi ang mga tao para sa lugar.

20 Kaya't nadamay ang Templo sa kapahamakang sumapit sa mga tao. Gayon pa man, ang mga tao ay nakahati rin sa naging pagtatagumpay ng bansa. Ang Templong pinabayaan ng Makapangyarihang Diyos sa panahon ng kanyang galit ay maluwalhating naibalik sa dating kadakilaan nang mapawi ang poot niya.

21 Kinuha ni Antioco ang 360,000 kilong pilak sa kabang-yaman ng Templo at nagmamadaling dinala ito sa Antioquia. Ang kapalaluan niya'y umabot sa sukdulan; pati na ang dagat ay inisip na kaya niyang gawing lupa at gawing lupa naman ang dagat, para madaanan ng mga kawal.

22 Pumili siya ng mga tagapamahala na magbibigay-ligalig sa mga Judio. Sa Jerusalem, inilagay niya si Felipe, tubong Frigia na lalo pang malupit kaysa kanya.

23 Sa Bundok ng Gerizim, ang pinili niyang mangasiwa ay si Andronico, ngunit naroon din si Menelao, ang pinakamalupit sa kanilang lahat. Ganyan ipinadama ng hari ang kanyang pagkamuhi sa mga Judio.