23 Sa Bundok ng Gerizim, ang pinili niyang mangasiwa ay si Andronico, ngunit naroon din si Menelao, ang pinakamalupit sa kanilang lahat. Ganyan ipinadama ng hari ang kanyang pagkamuhi sa mga Judio.
24 Sa galit sa kanila, ipinadala niya sa Jerusalem ang isang hukbo ng 22,000 kawal sa pamumuno ni Apolonio, ang pinuno ng mga taga-Misia. Inutusan silang patayin ang lahat ng mga lalaking nasa hustong gulang na; ang mga babae't mga kabataang lalaki naman ay ipagbili bilang alipin.
25 Pagdating sa Jerusalem, nagkunwari si Apolonio na kapayapaan ang kanyang layon. Nang Araw ng Pamamahinga, wala isa mang Judio na lumabas ng bahay upang gumanap ng anumang gawain, kaya't pinalabas niya para magparada ang buong hukbong sandatahan.
26 Ngunit ipinapatay niya ang lahat ng lumabas para manood. Pangkat-pangkat ang mga kawal na lumusob sa lunsod at maraming tao ang napatay nang araw na iyon.
27 Si Judas Macabeo, kasama ang siyam niyang tauhan, ay tumakas patungo sa ilang at doon nanirahan na parang mga hayop na ligaw. Upang hindi sila mahawa sa masamang pamumuhay sa lunsod, ang kinakain nila'y mga halamang gubat lamang.