6 habang patuloy naman ang pagpatay ni Jason sa kanyang mga kababayan. Hindi man lang niya naisip na ang pang-aapi sa sariling kababayan ay magkakaroon ng pinakamasaklap na bunga. Ang tanging hangad niya ngayon ay maging tanyag at magtagumpay kahit ang sariling mga kababayan ang kalabanin.
7 Ang wakas ng ginawa niya'y malaking kahihiyan. Sa kabila ng lahat, hindi rin siya nagtagumpay sa pag-agaw sa pamamahala. Sa halip ay napilitan siyang tumakas na muli at magtago sa lupain ng mga Ammonita. Walang kinahinatnan ang kanyang masamang balak kundi pawang kabiguan lamang.
8 Kahabag-habag ang naging wakas ng kanyang buhay. Ipinakulong siya ni Aretas, hari ng mga Arabo. Siya'y ibinilang na isang kriminal at tinugis ng lahat, kaya't nagtago sa iba't ibang lunsod. Kinamuhian siya dahil sa pagsuway niya sa kautusan at sa pagtataksil niya sa kanyang sariling bayan. Nagtago siya sa Egipto,
9 at mula roo'y tumawid ng dagat at nagpunta sa Esparta sa pag-asang siya'y ipagsasanggalang doon dahilan sa kaugnayan ng mga Judio at mga taga-Esparta. Ang taong ito, na naging sanhi ng pagkakatapon sa malalayong lupain ng marami niyang kababayan ay sa malayong bayan namatay.
10 Marami siyang napatay at ni hindi niya ipinalibing; ngayong namatay siya ay hindi man lamang ipinagdalamhati ninuman. Hindi siya binigyan ng maayos na libing o kaya'y ipinalibing sa piling ng kanyang mga ninuno.
11 Nang mabalitaan ito ng hari, akala niya'y naghihimagsik na ang mga taga-Judea. Kaya't mula sa Egipto'y nagsama siya ng hukbo, at parang mabangis na hayop na sinalakay niya ang Jerusalem.
12 Iniutos niya sa mga kawal na huwag maaawa sa mga mamamayan; lahat ng matagpuan sa lansangan o kaya'y nagtatago sa mga tahanan ay pagtatagain at patayin.