11 Sa tindi ng hirap, nagpakumbabá rin siya sa wakas. Sa gitna ng pagpaparusang iyon ng Diyos at sa hirap na kanyang dinaranas, unti-unti niyang nakita ang liwanag.
12 Nang hindi na siya makatagal sa sariling baho, nasabi niya ang ganito: “Matuwid na ang tao'y pasakop sa Diyos at ang sarili'y hindi dapat ipantay sa kanya.”
13 Ang masamang taong ito'y nangako sa Panginoon, ngunit hindi na siya kinahabagan.
14 Nangako siya na sa halip na wasakin ang banal na lunsod at gawing libingan gaya ng binabalak niya noon, ay palalayain niya ito.
15 Dati, ang palagay niya sa mga Judio kung namamatay ay di na dapat ilibing kundi itapon na lamang ang bangkay nila at ng kanilang mga anak para kainin ng mga buwitre at mababangis na hayop. Ngunit ngayon, nangako siyang ipapantay sa mga taga-Atenas ang kanyang pagtingin sa mga Judio.
16 Nangako rin siyang pupunuin ng pinakamagagandang handog ang templong niyurakan niya, at ibabalik doon ang inalis na mga banal na kasangkapan at dadagdagan pa niya ang mga iyon. Ang lahat ng magugugol sa paghahandog ay ipinangakong kukunin sa sarili niyang kaban.
17 At hindi lamang ito, nangako pa siya na magiging Judio at kahit saa'y ipapahayag niya ang kapangyarihan ng Diyos.