16 Nangako rin siyang pupunuin ng pinakamagagandang handog ang templong niyurakan niya, at ibabalik doon ang inalis na mga banal na kasangkapan at dadagdagan pa niya ang mga iyon. Ang lahat ng magugugol sa paghahandog ay ipinangakong kukunin sa sarili niyang kaban.
17 At hindi lamang ito, nangako pa siya na magiging Judio at kahit saa'y ipapahayag niya ang kapangyarihan ng Diyos.
18 Subalit huli na ang lahat! Dumating na kay Antioco ang angkop na parusa sa kanya, kaya't patuloy ang kanyang paghihirap at wala siyang makamtang ginhawa kahit kaunti man. Nang nawawalan na siya ng pag-asa, sumulat siyang nakikiusap sa mga Judio:
19 “Pinagpipitagan kong mga mamamayang Judio, akong si Antioco na inyong hari ay bumabati sa inyo. Hangad ko ang inyong kalakasan at kasaganaan.
20 “Kung kayo at ang inyong mga pamilya ay nasa mabuting kalagayan, at natatamo ang nais ninyo sa buhay, ako'y nagagalak. Ang aking pag-asa'y inilagak ko na sa langit, at naaalala ko ang inyong pagdamay, pagpapahalaga at mabuting layunin para sa akin.
21 “Dumating sa akin ang karamdamang taglay ko ngayon nang ako'y pabalik buhat sa Persia kaya't naisip ko na dapat akong gumawa ng hakbang para sa kapakanan ninyong lahat.
22 Hindi ito nangangahulugang nababahala ako sa aking kalagayan. Malaki pa ang pag-asa kong ako'y gagaling.