8 Kaya't si Antioco, na ang akala sa sarili'y hindi siya karaniwang tao, at nag-akala rin na mauutusan niya ang alon sa dagat at matitimbang ang matataas na bundok, ay bumagsak sa lupa at kinailangang buhatin na nakahiga. Maliwanag na nahayag dito ang kapangyarihan ng Diyos.
9 Inuod ang kanyang katawan at dumanas siya ng napakatinding paghihirap. Nabulok na ang kanyang laman kahit buháy pa siya, anupa't ang buong hukbo ay nasusuka dahil sa kanya.
10 Dahil sa baho ay wala nang lumapit upang dalhin siya kung saan niya gusto. Ito ang taong dati'y naniniwalang maaabot niya ang mga bituin sa langit.
11 Sa tindi ng hirap, nagpakumbabá rin siya sa wakas. Sa gitna ng pagpaparusang iyon ng Diyos at sa hirap na kanyang dinaranas, unti-unti niyang nakita ang liwanag.
12 Nang hindi na siya makatagal sa sariling baho, nasabi niya ang ganito: “Matuwid na ang tao'y pasakop sa Diyos at ang sarili'y hindi dapat ipantay sa kanya.”
13 Ang masamang taong ito'y nangako sa Panginoon, ngunit hindi na siya kinahabagan.
14 Nangako siya na sa halip na wasakin ang banal na lunsod at gawing libingan gaya ng binabalak niya noon, ay palalayain niya ito.