1 Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa;
2 ang lupa ay walang hugis o anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at kumikilos ang Espiritu ng Diyos sa ibabaw ng tubig.
3 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga.
4 Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan. Pinagbukod niya ang liwanag at ang dilim.
5 Ang liwanag ay tinawag niyang Araw, at ang dilim naman ay tinawag na Gabi. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang unang araw.
6 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakang maghahati sa tubig upang ito'y magkahiwalay!”
7 At nangyari ito. Ginawa ng Diyos na pumagitan ang kalawakan sa tubig na nasa itaas at sa tubig na nasa ibaba.