1 Nabalitaan ni Jose na may sakit ang kanyang ama, kaya't isinama niya ang dalawang anak na lalaki, sina Manases at Efraim, at dinalaw ang matanda.
2 Nang sabihin kay Jacob na dumating si Jose, nagpilit siyang bumangon at naupo sa kanyang higaan.
3 Sinabi niya kay Jose, “Nang ako'y nasa Luz, nagpakita sa akin ang Makapangyarihang Diyos at binasbasan ako.
4 Sinabi niya na darami ang aking mga anak at ang aking lahi ay magiging isang malaking bansa, at ibibigay niya sa kanila ang lupaing iyon habang panahon.
5 Ang dalawa mong anak na isinilang dito sa Egipto bago ako dumating ay ibibilang sa aking mga anak. Kaya, tulad nina Ruben at Simeon, sina Efraim at Manases ay magiging tagapagmana ko rin.
6 Ngunit ang susunod mong mga anak ay mananatiling iyo at ibibilang na lamang sa lipi ng dalawa nilang kapatid.
7 Ipinasiya ko ito alang-alang kay Raquel na iyong ina. Nang pabalik ako buhat sa Mesopotamia, namatay siya sa Canaan, malapit sa Efrata. At dinamdam ko nang labis ang kanyang pagpanaw. Doon ko na siya inilibing.” (Ang Efrata ay tinatawag ngayong Bethlehem.)
8 Nang makita ni Israel ang mga anak ni Jose, tinanong ito, “Ito ba ang iyong mga anak?”
9 “Opo! Sila po ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos dito sa Egipto,” tugon niya.Sinabi ni Israel, “Ilapit mo sila sa akin at babasbasan ko.”
10 Halos hindi na makakita noon si Israel dahil sa kanyang katandaan. Inilapit nga ni Jose ang mga bata at sila'y niyakap at hinagkan ng matanda.
11 Sinabi ni Jacob kay Jose, “Wala na akong pag-asa noon na makikita pa kita. Ngayon, nakita ko pati iyong mga anak.”
12 Inalis ni Jose ang mga bata sa kandungan ni Israel at yumuko siya sa harapan nito.
13 Pagkatapos, inilapit niya sa matanda ang dalawang bata, si Efraim sa gawing kaliwa at si Manases sa gawing kanan nito.
14 Ngunit pinagkurus ni Israel ang kanyang kamay at ipinatong ang kanan sa ulo ng nakababatang si Efraim at ang kaliwa sa ulo ni Manases.
15 At sila'y binasbasan,“Pagpalain nawa kayo at palaging subaybayan,ng Diyos na pinaglingkuran ni Isaac at ni Abraham;ng Diyos na sa aki'y nangalaga't pumatnubay,simula sa pagkabata't magpahanggang ngayon man.
16 At pati na ang anghel na sa akin ay nagligtas,pagpalain nawa kayo, tanggapin ang kanyang basbas;maingatan nawa ninyo at taglayin oras-orasang ngalan ko, at ang ngalan ni Abraham at ni Isaac.Nawa kayo ay lumago, dumami at lumaganap.”
17 Nang makita ni Jose ang ginawa ng kanyang ama, minasama niya iyon kaya't hinawakan niya ang kanang kamay nito upang ilipat sa ulo ni Manases.
18 Wika niya, “Ito po ang matanda, ama. Sa kanya ninyo ipatong ang inyong kanang kamay.”
19 Ngunit sinabi ni Jacob, “Alam ko iyan, anak, alam ko. Alam kong magiging dakila si Manases, pati ang kanyang mga anak, ngunit lalong magiging dakila ang nakababata niyang kapatid. Ang kanyang lahi ay magiging dakilang mga bansa.”
20 Sinabi pa niya ito:“Ang mga Israelita, sa Diyos ay hihilingin,dahil kayo'y pinagpala, sila ma'y pagpalain din.Sa kanilang kahilingan, ganito ang sasabihin:‘Kayo nawa ay matulad kay Efraim at Manases.’”Sa ganitong paraan ginawa ni Jacob na una si Efraim kay Manases.
21 Pagkatapos nito, sinabi ni Israel, “Jose, ako'y mamamatay na ngunit huwag kang mababahala. Sasamahan ka ng Diyos at kayo'y ibabalik niya sa lupain ng inyong mga ninuno.
22 Ikaw ang tanging magmamana ng Shekem na nakuha ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng aking tabak at pana.”