1 Pinagpala ni Yahweh si Sara at tinupad ang kanyang pangako.
2 Ayon sa panahong sinabi ng Diyos, si Sara nga ay nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki, kahit matanda na noon si Abraham.
3 Isaac ang ipinangalan ni Abraham sa kanyang anak.
4 Ayon sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham ang bata walong araw pagkasilang nito.
5 Isandaang taon na si Abraham nang ipanganak si Isaac.
6 Sinabi ni Sara, “Nakakatawa ang ginawang ito sa akin ng Diyos at sinumang makarinig nito'y tiyak na matatawa rin.”
7 At sinabi pa niya, “Sa edad na iyon ni Abraham, sinong makakapagsabi sa kanyang ako'y mag-aalaga pa ng bata? Gayunman, nabigyan ko pa rin siya ng anak kahit siya'y matanda na.”
8 Lumaki ang bata, at nang ito'y awatin, naghanda nang malaking salu-salo si Abraham.
9 Minsan, nakikipaglaro kay Isaac si Ismael, ang anak ni Abraham kay Hagar na taga-Egipto.
10 Nang makita ito ni Sara, sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping iyan at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng aliping iyan ay hindi dapat makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac!”
11 Labis itong ikinalungkot ni Abraham sapagkat anak din niya si Ismael.
12 Ngunit sinabi ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang mag-alala tungkol sa mag-ina. Sundin mo na ang gusto ni Sara, sapagkat kay Isaac magmumula ang lahing sinabi ko sa iyo.
13 Ngunit ang anak mong iyan kay Hagar ay magkakaanak din ng marami, at sila'y magiging isang bansa, dahil anak mo rin naman si Ismael.”
14 Madaling araw pa lamang, ang mag-ina'y ipinaghanda na ni Abraham ng baong pagkain at inumin. Ipinapasan ni Abraham ang mga ito kay Hagar at ang mag-ina ay kanyang pinaalis. Nagpagala-gala sila sa ilang ng Beer-seba.
15 Nang maubos na ang dalang tubig, iniwan ni Hagar ang kanyang anak sa lilim ng isang mababang punongkahoy,
16 at naupo nang may sandaang metro mula sa kinaroroonan ng bata. Sabi niya sa sarili, “Di ko matitiis na makitang mamatay ang aking anak.” Samantalang nakaupo siyang nag-iisip, umiiyak naman ang bata.
17 Narinig ng Diyos ang iyak ng bata, at nagsalita mula sa langit ang anghel ng Diyos, “Hagar, anong bumabagabag sa iyo? Huwag kang matakot. Naririnig ng Diyos ang iyak ng iyong anak.
18 Lapitan mo siya at patahanin. Gagawin kong isang dakilang bansa ang kanyang lahi.”
19 Pinagliwanag ng Diyos ang paningin ni Hagar at nakita nito ang isang balon. Pinuno niya ng tubig ang dalang sisidlan at pinainom ang bata.
20 Hindi nga pinabayaan ng Diyos si Ismael; ito'y lumaki sa ilang ng Paran at naging mahusay na mangangaso.
21 Ikinuha siya ng kanyang ina ng mapapangasawa mula sa lupain ng Egipto.
22 Nang panahong iyon, isinama ni Haring Abimelec si Picol, pinuno ng hukbo, at sila'y nagpunta kay Abraham. Sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Sa lahat ng gawain mo'y pinagpapala ka ng Diyos.
23 Isumpa mo ngayon sa harap ng Diyos na hindi mo ako dadayain pati na ang aking lahi. Kung paanong ako'y naging tapat sa iyo, ipangako mo rin namang magiging tapat ka sa akin at sa lupaing ito na tinitirhan mo ngayon.”
24 “Nangangako ako,” tugon naman ni Abraham.
25 Ngunit nagreklamo si Abraham kay Abimelec tungkol sa isang balon na inagaw ng mga alipin ng hari.
26 Sumagot si Abimelec, “Hindi ko nalalaman iyon. Bakit ngayon mo lamang sinabi sa akin?”
27 Nagkasundo ang dalawa, at binigyan ni Abraham si Abimelec ng ilang tupa't baka.
28 Ibinukod ni Abraham ang pitong tupa ng kanyang kawan.
29 “Anong kahulugan nito?” tanong ni Abimelec.
30 Sumagot si Abraham, “Ito'y para sa iyo, bilang pagsang-ayon mo na akin ang balong ito.”
31 Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Beer-seba, sapagkat doon ay nanumpa sila sa isa't isa.
32 Matapos ang sumpaang iyon, bumalik na sa lupain ng mga Filisteo si Abimelec at si Picol na pinuno ng kanyang hukbo.
33 Pagkaalis nila'y nagtanim naman si Abraham ng punong tamarisko sa Beer-seba at sumamba kay Yahweh, ang Diyos na Walang Hanggan.
34 Mahabang panahong nanirahan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo.