17 Muling nagpatirapa si Abraham, ngunit napatawa siya nang kanyang maisip na siya'y matanda na. Nasabi niya sa sarili, “Magkakaanak pa ba ang isang lalaki na sandaang taóng gulang na? At si Sara! Maglilihi pa ba siya gayong siya'y siyamnapung taon na?”
18 At sinabi niya sa Diyos, “Bakit hindi na lang po si Ismael ang magmana ng mga ipinangako ninyo sa akin?”
19 Kaya't sumagot ang Diyos, “Hindi; ang asawa mong si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki at tatawagin mo siyang Isaac. Makikipagtipan ako sa kanya at sa kanyang lahi magpakailanman.
20 Tungkol naman kay Ismael, ipagkakaloob ko ang kahilingan mo: Pagpapalain ko siya at pararamihin ko rin ang kanyang lahi. Magkakaanak siya ng labindalawang prinsipe, at magiging bansang makapangyarihan ang kanyang salinlahi.
21 Ngunit ang aking tipan sa iyo ay matutupad kay Isaac, na isisilang ni Sara sa isang taon, sa ganito ring panahon.”
22 Pagkasabi nito, nilisan ng Diyos si Abraham.
23 Nang araw ring iyon, ayon sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham si Ismael at lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan, maging ang aliping ipinanganak doon o binili.