16 Sila ang labindalawang anak ni Ismael na naging pinuno ng kani-kanilang lipi. Isinunod sa kanilang mga pangalan ang mga bayan at pinagkampuhan ng kani-kanilang mga lipi.
17 Namatay si Ismael sa gulang na 137 taon, at siya'y inilibing.
18 Ang lahi ni Ismael ay tumira sa lupain sa pagitan ng Havila at Shur, sa daang patungo sa Asiria sa silangan ng Egipto. Nakabukod sila sa ibang mga lipi ni Abraham.
19 Ito naman ang kasaysayan ni Isaac na anak ni Abraham.
20 Apatnapung taon na si Isaac nang mapangasawa niya si Rebeca, anak na dalaga ni Bethuel, isang Arameong taga-Mesopotamia. Si Rebeca'y kapatid ni Laban, isa ring Arameo.
21 Hindi magkaanak si Rebeca, kaya't nanalangin kay Yahweh si Isaac. Dininig naman siya at si Rebeca'y naglihi.
22 Kambal ang kanyang dinadala at nasa tiyan pa'y nagtutulakan na ang dalawa. Kaya't nasabi ng ina, “Kung ngayon pa'y ganito na ang nangyayari sa akin, bakit pa ako mabubuhay?” Kaya't siya'y nagtanong kay Yahweh.