7 Tinanong niya kung bakit,
8 at sila nama'y nagpaliwanag. “Alam mo, pareho kaming nanaginip, ngunit wala ni isa mang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga iyon.”“Ang Diyos lamang ang nakapagpapaunawa sa atin ng kahulugan ng mga panaginip,” sabi ni Jose. “Ano ba ang napanaginipan ninyo?”
9 Ang tagapangasiwa ng inumin ang unang nagsalaysay. Ang sabi nito, “Napanaginipan kong sa harapan ko'y may puno ng ubas
10 na may tatlong sanga. Pagsibol ng dahon nito, namulaklak na rin at kaagad nahinog ang mga bunga.
11 Hawak ko noon ang kopa ng Faraon, kaya't pinisa ko ang ubas at ibinigay sa Faraon.”
12 “Ito ang kahulugan ng panaginip mo,” sabi ni Jose. “Ang tatlong sanga ay tatlong araw.
13 Sa loob ng tatlong araw, ipapatawag ka ng Faraon at patatawarin. Ibabalik ka sa dati mong tungkulin.