9 Pagkatapos, iniunat ni Yahweh ang kanyang kamay, hinipo ang aking mga labi, at sinabi, “Ngayon ay ibinigay ko na sa iyo ang mga mensaheng dapat mong sabihin.
10 Ibinibigay ko rin ngayon sa iyo ang kapangyarihang mangaral sa mga bansa at kaharian, upang sila'y bunutin at ibagsak, wasakin at itapon, itayo at itanim.”
11 Tinanong ako ni Yahweh, “Jeremias, ano ang nakikita mo?”“Sanga po ng almendra,” sagot ko.
12 “Tama ka,” ang sabi ni Yahweh, “sapagkat ako'y magbabantay upang matiyak na matutupad nga ang aking mga sinasabi.”
13 Muli akong tinanong ni Yahweh, “Ano pa ang nakikita mo?”Sumagot ako, “Isa pong kalderong kumukulo ang laman at halos tumagilid na mula sa gawing hilaga.”
14 At sinabi niya sa akin, “Mararanasan ng lahat ng naninirahan sa lupaing ito ang isang pagkawasak na magmumula sa hilaga.
15 Tatawagin ko ang lahat ng bansa sa hilaga. Darating silang lahat at ang kanilang mga hari'y maglalagay ng kani-kanilang trono sa harap ng pintuan ng Jerusalem, sa paligid ng mga pader nito, at sa ibang mga lunsod ng Juda.