1 Noong ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, kinausap ni Jeremias si Baruc na anak ni Nerias; isinulat naman nito ang lahat ng idinikta ng propeta:
2 “Baruc, ito ang sinasabi sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.
3 Sinabi mo sa akin na kahabag-habag ka sapagkat dinagdagan ni Yahweh ang iyong paghihirap; pinadalhan ka niya ng kalungkutan. Pagod ka na sa pagdaing, at wala kang kapahingahan.
4 Subalit ipinapasabi sa iyo ni Yahweh, ‘Winawasak ko ang aking itinayo, at binubunot ko ang aking itinanim. Gagawin ko ito sa buong daigdig.
5 Huwag mo nang hangaring makamit ang mga dakilang bagay, sapagkat padadalhan ko ng kapahamakan ang lahat; gayunman, ipinapangako kong iingatan ko ang iyong buhay saan ka man pumunta. Akong si Yahweh ang maysabi nito!”