1 Nang masabi na ni Jeremias ang lahat ng ipinapasabi ni Yahweh sa mga tao,
2 sinabi sa kanya nina Azarias, anak ni Hosaias, Johanan na anak ni Karea, at ng mga lalaking mayayabang, “Sinungaling! Ikaw ay hindi sinugo ni Yahweh upang sabihin sa amin na huwag kaming manirahan sa Egipto.
3 Sinulsulan ka lamang ni Baruc na anak ni Nerias laban sa amin, upang ibigay kami sa kamay ng mga taga-Babilonia; sa gayon, papatayin nila kami o kaya'y dadalhing-bihag.”
4 Si Johanan, ang lahat ng pinuno ng hukbo, at ang mga tao'y hindi nakinig sa mensahe ni Yahweh; ipinasiya nilang umalis sa Juda.
5 Kaya, tinipon ni Johanan at ng mga pinuno ng hukbo ang lahat ng nalabi na nagbalik sa Juda mula sa mga bansang pinagtapunan sa kanila,
6 mga lalaki, mga babae, mga bata, mga anak na babae ng hari, at ang mga taong ipinagkatiwala ni Nebuzaradan, ang pinuno ng mga bantay, kay Gedalias na anak ni Ahicam at apo ni Safan; kabilang din dito sina Propeta Jeremias at Baruc.
7 Hindi sila nakinig sa mensahe ni Yahweh at sila'y nagpunta sa Egipto; una nilang narating ang Tafnes.
8 Sa Tafnes ay nagpahayag si Yahweh kay Jeremias:
9 “Kumuha ka ng ilang malalaking bato at ibaon mo sa daanang papasok sa palasyo ng Faraon sa Tafnes; gawin mo itong nakikita ng mga Judio.
10 Sabihin mo sa kanila, ‘Sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Dadalhin ko ang aking lingkod na si Haring Nebucadnezar ng Babilonia, at ang kanyang trono ay ilalagay niya sa ibabaw ng mga batong ito na aking ibinaon; ilalatag niya sa ibabaw nito ang kanyang tolda.
11 Pagkatapos ay sasalakayin niya ang Egipto at papatayin ang mga dapat mamatay, bibihagin ang dapat bihagin, at papatayin ang itinakdang mamatay sa digmaan.
12 Susunugin niya ang mga templo ng mga diyus-diyosan ng Egipto, gayon din ang mga gusali, at bibihagin ang mga diyos. Lilinisin niya ang lupain ng Egipto, gaya ng paglilinis ng isang pastol sa kanyang kasuotan upang maalis ang mga pulgas. Kung maganap na niyang lahat ito, matagumpay niyang lilisanin ang Egipto.
13 Gigibain din niya ang mga haliging itinuturing na sagrado sa Egipto, at susunugin ang lahat ng templo ng mga diyus-diyosan doon.’”