3 “Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran. Ipagtanggol ninyo ang mga naaapi laban sa mapagsamantala. Huwag ninyong sasaktan o aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Huwag kayong papatay ng mga taong walang kasalanan sa banal na lunsod na ito.
4 Kung susundin ninyo ang mga utos ko, mananatili ang paghahari ng angkan ni David. At papasok silang nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, kasama ang kanilang mga tauhan at nasasakupan.
5 Subalit kung hindi kayo makikinig sa sinasabi ko, isinusumpa ko na aking wawasakin ang palasyong ito.
6 Ganito ang sabi ni Yahweh tungkol sa palasyo ng hari ng Juda:“Ang palasyong ito'y singganda ng lupain ng Gilead, at nakakatulad ng Bundok ng Lebanon. Ngunit isinusumpa ko na gagawin ko itong isang disyerto, isang lunsod na walang mananahan.
7 Magpapadala ako ng mga wawasak dito; may dalang palakol ang bawat isa. Puputulin nila ang mga haliging sedar nito at ihahagis sa apoy.
8 “Magtatanungan ang mga taong magdaraan dito mula sa iba't ibang bansa, ‘Bakit ganyan ang ginawa ni Yahweh sa dakilang lunsod na ito?’
9 At ang isasagot sa kanila, ‘Sapagkat hindi nila tinupad ang kasunduan nila ni Yahweh na kanilang Diyos; sa halip, sumamba sila at naglingkod sa mga diyus-diyosan.’”