2 Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga pinunong nangangalaga sa kanyang bayan: “Pinapangalat ninyo at ipinagtabuyan ang aking kawan. Hindi ninyo sila binantayan kaya kayo'y paparusahan ko dahil sa inyong ginawang ito.
3 Ako na ang magtitipon sa mga nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang tinubuang lupa, at sila'y muling darami.
4 Hihirang ako ng mga tagapangunang magmamalasakit at mangangalaga sa kanila. Hindi na sila muli pang daranas ng takot at pag-aalala, at wala nang maliligaw kahit isa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
5 “Nalalapit na ang araw,” sabi ni Yahweh, “na pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David, isang hari na mamamahala ng buong karunungan. Paiiralin niya sa buong lupain ang katarungan at katuwiran.
6 Magiging ligtas ang Juda sa panahon ng kanyang pamamahala, at ang Israel ay mapayapang mamumuhay. Ito ang pangalang itatawag sa kanya: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’”
7 Ang sabi ni Yahweh, “Tiyak na darating ang panahon na ang mga tao'y hindi na manunumpa nang ganito: ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto.’
8 At sa halip, sasabihin nila, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na nagpalaya at nanguna sa mga Israelita mula sa lupain sa hilaga at sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Babalik sila sa sariling lupa at doon muling mamumuhay.’”