1 Ito ang pahayag na tinanggap ni Jeremias tungkol sa mga taga-Juda, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim, anak ni Josias ng Juda, at unang taon naman ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia.
2 Ganito ang sinabi ni Propeta Jeremias sa lahat ng mga taga-Juda at mga naninirahan sa Jerusalem:
3 “Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, mula pa noong ika-13 taon ng paghahari sa Juda ni Josias na anak ni Ammon hanggang ngayon, patuloy kong sinasabi sa inyo ang mga ipinahayag ni Yahweh, subalit ayaw ninyong pakinggan.
4 Hindi ninyo pinansin o pinakinggan ang mga propetang sinugo niya.
5 Sinabi nila na talikuran na ninyo ang masama ninyong pamumuhay at likong gawain, upang sa gayo'y mananatili kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga magulang.