12 Inutusan niya akong magpunta sa hilaga at sabihin sa Israel, “Manumbalik ka, taksil na Israel. Hindi na kita kagagalitan sapagkat ako'y mahabagin. Hindi habang panahon ang galit ko sa iyo.
13 Aminin mo lamang na nagkasala ka at naghimagsik laban kay Yahweh na iyong Diyos. Sabihin mo na sa ilalim ng bawat punongkahoy ay nakiapid ka sa kahit sinong diyos at hindi ka sumunod sa aking mga utos,” ang sabi ni Yahweh.
14 “Magbalik kayo sa akin, kayong mga taksil na anak, sapagkat ako ang inyong Panginoon,” sabi pa ni Yahweh. “Kukuha ako sa inyo ng isa sa bawat bayan at dalawa sa bawat angkan at ibabalik ko kayo sa Bundok ng Zion.
15 Bibigyan ko kayo ng mga pinunong sumusunod sa akin, at pamamahalaan nila kayo nang buong katalinuhan at pagkaunawa.
16 At kung dumami na kayo sa lupaing iyon, hindi na pag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Hindi na nila ito iisipin o aalalahanin. Hindi na rin nila ito kakailanganin o gagawa ng isa pa.
17 Sa araw na iyon, ang Jerusalem ay tatawaging “Luklukan ni Yahweh”. Lahat ng bansa'y magkakatipon doon upang sambahin ako. Hindi na nila gagawin ang kasamaang kanilang gustong gawin.
18 Magkakaisa ang Israel at ang Juda. Magkasama silang babalik mula sa hilaga at maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga magulang, upang maging kanila magpakailanman.”