28 “Iwan ninyo ang mga lunsod, at doon kayo manirahan sa kabatuhan, kayong taga-Moab! Tumulad kayo sa kalapating nagpupugad sa gilid ng bangin.
29 Nabalitaan na namin ang kapalaluan ng Moab. Napakayabang niya: mapangmata, palalo, hambog at mapagmataas.
30 Akong si Yahweh ay hindi mapaglilihiman ng kanyang kataasan; pawang kabulaanan ang kanyang sinasabi at ginagawa.
31 Kaya nga, tatangisan ko ang Moab; iiyakan ko ang lahat ng taga-Moab; magdadalamhati ako para sa mga taga-Kir-heres.
32 Tinangisan kita, O baging ng Sibma, nang higit sa pagtangis ko para sa Jazer. Ang mga sanga mo'y lumampas sa dagat, at umabot hanggang sa Jazer; dumaluhong ang maninira sa iyong mga bungangkahoy at ubasan nang panahon ng tag-araw.
33 Napawi na ang kagalakan at kasayahan sa mabungang lupain ng Moab. Pinahinto ko na ang pag-agos ng alak sa pisaan ng alak; wala nang pumipisa rito na may sigawan at katuwaan; ang sigawan ngayon ay hindi na dahil sa kagalakan.
34 “Sumisigaw ang Hesbon at Eleale at ito'y umaabot hanggang sa Jahaz; abot ang kanilang tinig mula sa Zoar hanggang Horonaim at Eglat-selisiya. Sapagkat matutuyo rin pati ang mga tubig sa Nimrim.