11 Kayong mga mamamayan ng Israel at ng Juda,pareho kayong nagtaksil sa akin.Akong si Yahweh ang nagsasalita.”
12 Si Yahweh ay itinakwil ng kanyang bayan. “Wala naman siyang gagawing anuman!” ang sabi nila. “Hindi tayo daranas ng kahirapan; walang darating na digmaan o taggutom man.
13-14 Ang mga propeta'y walang kabuluhan; hindi talagang galing kay Yahweh ang ipinapahayag nila.”Ganito naman ang sabi sa akin ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat: “Dahil nilapastangan ako ng mga taong iyan, ang aking salitang lalabas sa iyong bibig ay magiging parang apoy. Sila'y parang tuyong kahoy na tutupukin nito.”
15 Mga taga-Israel, magpapadala si Yahweh ng isang bansang buhat sa malayo upang salakayin kayo. Ito'y isang malakas at matandang bansa na ang wika'y hindi ninyo alam o nauunawaan man. Ito'y ipinahayag na ni Yahweh.
16 Mababangis ang mga kawal ng kaaway; kamatayan ang dulot ng kanilang mga pana.
17 Uubusin nila ang inyong mga ani at mga pagkain. Papatayin nila ang inyong mga anak. Kakatayin nila ang inyong mga kawan at baka, at wawasakin ang inyong mga tanim na igos at ubasan. Dudurugin ng kanilang hukbo ang matitibay na lunsod na pinagkakanlungan ninyo.
18 “Gayunman, akong si Yahweh ang nagsasabing hindi ko lubusang pupuksain ang aking bayan sa panahong iyon.