15 Binihag ni Nebuzaradan ang mga taong nalabi sa lunsod, ang mga tumakas patungo sa hari ng Babilonia at ang mga nalabi sa mga manggagawa.
16 Subalit iniwan niya ang ilan sa pinakamahihirap sa lupain upang magtrabaho sa mga ubasan at bukirin.
17 Sinira nilang lahat ang mga haliging tanso sa Templo ni Yahweh, pati ang tuntungan at ang malaking lalagyan ng tubig na tinatawag na dagat-dagatang tanso, at dinala nila sa Babilonia ang mga tinunaw na tanso.
18 Kinuha rin nila ang mga palayok, pala, gunting, mangkok, kutsara at lahat ng sisidlang tanso na gamit sa paglilingkod sa Templo.
19 Kinuha rin ng kapitan ng mga bantay ang mga kopa, apuyan, mangkok, palayok, kandelero, kutsara at tasang yari sa ginto at pilak.
20 Hindi na makayang timbangin ang tanso ng dalawang haligi, ng dagat-dagatang nasa ilalim ng tuntungan, at ng labindalawang hugis-bakang tuntungan. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon para sa bahay ni Yahweh.
21 Ang isa sa mga haligi'y walong metro ang taas at lima't kalahating metro ang bilog. Walang laman ang loob nito ngunit apat na daliri ang kapal ng tanso niyon.