24 Ang sabi naman ng mga taga-Jerusalem: “Narinig na namin ang balita, at nanlulupaypay kaming lahat. Labis kaming naghihirap, katulad ng isang babaing manganganak.
25 Ayaw na naming lumabas sa kabukiran o lumakad kaya sa mga daan, sapagkat ang mga kaaway ay may mga sandata. Takot ang nadarama naming lahat.”
26 Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan, “Kung gayon, magsuot kayo ng damit na panluksa, at gumulong kayo sa abo. Manangis na kayo nang buong pait, na parang nawalan ng bugtong na anak, sapagkat biglang sasalakay ang magwawasak sa inyo!
27 Jeremias, suriin mo ang aking bayan, gaya ng pagsuri sa bakal, upang malaman ang uri ng kanilang pagkatao.
28 Silang lahat ay mapaghimagsik, masasama, walang ginagawa kundi ang magkalat ng maling balita. Sintigas ng tanso at bakal ang kanilang kalooban, at pawang kabulukan ang ginagawa nila.
29 Matindi na ang init ng pugon at nalusaw na ng apoy ang tingga, ngunit hindi pa rin matunaw ang dumi ng pilak. Hindi na dapat ipagpatuloy ang pagdalisay sa aking bayan sapagkat hindi naman naihiwalay ang masasama.
30 Tatawagin silang pilak na patapon sapagkat akong si Yahweh ang nagtakwil sa kanila.”