10 Kaya ibibigay ko sa iba ang kanilang mga asawa; ang kanilang bukid ay tatamnan ng ibang tao. Ang lahat, dakila man o abâ, ay gumagamit ng pandaraya upang yumaman. Pati mga propeta at mga pari ay nandaraya.
11 Hindi nila pansin ang kahirapan ng aking bayan. Ang sabi nila, ‘Payapa ang lahat,’ gayong wala namang kapayapaan.
12 Ikinahiya ba nila ang kanilang masasamang gawa? Hindi! Hindi na sila marunong mahiya! Makapal na ang kanilang mukha. Kaya nga, babagsak sila tulad ng iba. Ito na ang kanilang magiging wakas kapag sila'y aking pinarusahan. Ito ang sabi ni Yahweh.
13 “Lilipulin ko na ang aking bayan sapagkat ang katulad nila'y punong ubas na walang bunga, o puno ng igos na walang pakinabang; nalanta na pati mga dahon. Kaya't tatanggapin nila ang bunga ng kanilang ginawa.”
14 “Bakit tayo nakaupo at walang ginagawa?” tanong nila. “Halina kayo, tayo'y magtago sa mga lunsod na matibay, at doon na tayo mamatay. Hinatulan na tayo ni Yahweh na ating Diyos upang mamatay. Binigyan niya tayo ng tubig na may lason upang inumin sapagkat nagkasala tayo sa kanya.
15 Naghintay tayo ng kapayapaan ngunit walang nangyari; umasa ng kaligtasan ngunit kakila-kilabot na hirap ang dumating sa atin.
16 Naririnig hanggang sa lunsod ng Dan ang ingay ng mga kabayo ng kaaway. Nanginginig na sa takot ang buong bansa sa yabag pa lamang ng mga kabayong pandigma. Dumating na ang wawasak sa ating lupain at sa lahat ng naroon; sa ating lunsod at sa lahat ng naninirahan doon.”