1 Nang mabalitaan ni Jabin, hari ng Hazor, ang ganitong mga pangyayari, nagpasabi siya kay Jobab, hari ng Madon, at sa mga hari ng Simron at Acsaf.
2 Pinabalitaan din niya ang mga hari sa kaburulan sa dakong hilaga, sa Kapatagan ng Jordan, sa timog ng lawa ng Cineret at sa kapatagan hanggang sa baybayin ng Dor sa gawing kanluran.
3 Nagpasabi rin siya sa mga Cananeo sa magkabilang panig ng Ilog Jordan, sa mga Amoreo, Heteo at Perezeo. Nagpadala rin siya ng mensahe sa mga Jebuseo na naninirahan sa kaburulan, at sa mga Hivita na naninirahan sa paanan ng Bundok Hermon, sa lupain ng Mizpa.
4 Dumating lahat ang mga haring iyon, kasama ang kanilang mga sandatahang lakas. Halos sindami ng buhangin sa tabing-dagat ang bilang ng kanilang hukbo. Napakarami rin ng kanilang mga kabayo at mga karwaheng pandigma.
5 Nagkaisa ang mga haring iyon na pag-isahin ang kanilang mga pwersa at sama-sama silang nagkampo sa may batisan ng Merom upang salakayin ang Israel.
6 Ngunit sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Asahan mo, bukas sa ganito ring oras, lilipulin ko silang lahat para sa Israel. Lalagutan ninyo ng litid upang mapilay ang kanilang mga kabayo at susunugin ang kanilang mga karwahe.”
7 Kaya't sila'y biglang sinalakay ni Josue at ng kanyang mga kawal sa may batis ng Merom.